Home » Balita » Niyogyugan Festival sa Quezon

Niyogyugan Festival sa Quezon

Sinulat at mga larawang kuha ni DANNY J. ESTACIO

MABILIS na pinaunlad ang tatlong taong gulang na Niyogyugan festival sa Quezon Province sapul nang ito ay ilunsad noong Agosto 2011, na isinabay sa kapanganakan ni dating Pangulong Manuel L. Quezon.

Ang Niyugyugan Festival ay pinaghalu-halong estilo ng programa ukol sa pagpapaunlad sa industriya ng niyog, pagpapalaganap ng One Town One Product (OTOP) policy, pangkabuhayang programa, at pagtitipun-tipon ng lahat ng festival ng bawat bayan sa iisang pagtatanghal.

Ito ay malikhaing naisakatuparan ni Bondoc Peninsula Congresswoman Aleta C. Suarez na ang pakay ay muling pasiglahin ang industriya ng niyog upang muling mabawi ng Quezon ang pagiging numero uno sa industriya ng pagniniyog sa bansa na ngayon ay nasa ikatlong ranggo.

Mas lalong pinatingkad ang festival sa paglalagay ng AgriTourism Exposition Trade Fair na dinarayo ng mga lokal at dayuhang turista mula sa ibang ibang karatig-probinsya ng Quezon. At isinasagawa ito sa makasaysayang Perez Park ng provincial capitol building sa Lucena City.

Sa trade fair makikita ang magagaraang booth ng bawat bayan, naka-display ang mga produktong sariling likha o OTOP, sa pangangasiwa ng KALIPI (Kalipunan ng Laping Pilipina) sa lalawigan na pinamumunuan ni Anna Suarez.

Ang booths ay may sinusunod na pamantayan sa pagdidisenyo at dekorasyon na dapat ay galing ang mga materyales sa niyog (na lahat ng bahagi, para sa ilang hindi pa nakakaalam, ay may pakinabang) at ang nalalabi ay mula sa lokal na mga produkto o panamin, katubigan, at iba pa.

Ayon kay Rowena Masilang, punong abala ng Sariaya Tourism Council, ang may hawak ng titulo ng over-all champion noong nakaraang paligsahan, ang pagsali sa pagtatayo ng booth ay hindi para makasali lamang kundi ibinubuhos dapat ang lahat ng kanilang kakayahan, talento, oras at `puso’ upang makalikha ng isang obra, na pupukaw sa atensiyon ng mga makakakita.

Ang pinakamagandang booth ay may tatanggaping proyekto na nagkakahalaga ng isang milyong piso mula sa pamahalaan ng probinsiya.

Sa festival na ito makikita ang tradisyon at kultura ng bawat bayan sa lalawigan na binuhuhay at pinasisigla upang palakasin ang turismo at bilang pasasalamat din sa Panginoong Lumikha sa mga biyayang ipinagkaloob para sa masaganang ani at maayos na pamumuhay. na pamumuhay.

Ang Quezon Province ay may 39 na bayan at dalawang lungsod. Ang ilan sa mga festival na naiipon tuwing Niyugyugan Festival ay ang Boling-boling sa Catanauan, Maubanog ng Mauban, Tagultol ng Atimonan, Agawan ng Sariaya, Pahiyas ng Lucban, Mayohan sa Tayabas, Chami o Pasayahan Festival ng Lucena, Arangya at Baluarte ng Gumaca, Alimango Festival ng Calauag, Sinampalukan Day ng Sampaloc, Tagkawayan Festival ng Tagkawayan, Dinilawang Manok Festival ng Unisan, Laguimanok ng Padre Burgos, at iba pa.

At hindi siyempre mawawala sa festival na nagpapaindak sa mga manonood, ang engrandeng parada ng mga mananayaw sa kalye, floats, at magagandang kadalagahan. Ang sayaw sa kalye ay dapat ding hango sa tema ng pamumuhay sa niyog, at ang dekorasyon sa float ay hango rin sa produkto at materyales mula sa niyog.

Ang Niyogyugan Festival kasi ay pinagsamang kataga ng niyog-ang tinataguriang Tree of Life–at yugyugan (pag-indak). Layon ng pamahalaang pangprobinsiya na sa hinaharap ay lalo pang dumami ang mga dayuhan na magtutungo sa kanilang probinsiya at mapapabilang sila sa mga pangunahing destinasyong pangturismo sa bansa.

Incoming search terms:

comments
Translate »
  • Afrikaans
  • Arabic
  • Bulgarian
  • Cebuano
  • Chinese(Simplified)
  • Chinese(Traditional)
  • Croatian
  • English
  • Filipino
  • Hindi
  • Indonesian
  • Italian
  • Japanese
  • Korean
  • Lithuanian
  • Malay
  • Polish
  • Romanian
  • Russian
  • Slovenian
  • Somali
  • Spanish
  • Thai
  • Turkish
  • Ukranian
  • Vietnamese