Home » Balita » Fort Bonifacio, patuloy na pinag-aagawan

Fort Bonifacio, patuloy na pinag-aagawan

 

Ni Bella Gamotea

Magpapalabas muna ang lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Makati ng kanilang Council resolution na hihiling na ibalik ang nawalang kita ng siyudad sa mahigit 20 taon matapos angkinin ng Taguig City ang pinag-aagawang mga lugar sa Fort Andres Bonifacio, kabilang ang Global City.

Ayon kay Mayor Jejomar Erwin Binay, kailangang maibalik ng Taguig City ang napakalaking nawalang kita ng Makati government dahil ito ang nararapat.

Ayon sa Alkalde, naghahanda na ang lokal na pamahalaan para kausapin ang mga may-ari ng establisimiyento at negosyante sa Fort Bonifacio, partikular sa Global City, upang talakayin ang mga proseso sa pagbabayad ng buwis at maging ang mga umiiral na ban na gaya sa pagbabawal sa paggamit ng plastic, paninigarilyo sa publikong lugar at number coding scheme sa Makati.

Tiniyak niya na mabilis at kumbinyente ang mga serbisyo para sa tax payers kasunod sa ipinagmamalaking nakuhang ISO accreditation ng Makati sa de-kalidad na pagseserbisyo nito.

Unang nakipag-usap si Binay sa city administrator assessor at engineers para sa gagawing takeover sa Fort Bonifacio, isang araw matapos maglabas ng desisyon ang Court of Appeals na nagdedeklara na ang Makati ang may hurisdiksiyon sa pinag-aagawang lupa sa lugar.

Patutsada pa ng Alkalde sa Taguig government, sa ilalim ng pamamahala ni Mayor Lani Cayetano, na kung malaki ang koleksiyon sa buwis sa Global City ay dapat ginamit ito para sa mahihirap na mamamayan na nakapaligid sa lugar.

Halos 6,000 estudyante umano na mula Taguig ang nag-aaral sa Makati City habang maraming residente nila ang nagpapagamot din dito.

Samantala, inihayag ni Cayetano na hindi pa final at executory ang desisyon ng CA kung kaya hindi dapat magmadali si Binay dahil iaapela pa nila ang kaso at dadaan pa o ito sa proseso.

Agad na bumuo si Cayetano ng legal team na magsasagawa at hihimay ng mga detalye para sa susunod na mga legal na hakbang.

Umapela pa siya kay Binay na maging patas.

Lumilitaw na may claim din ang munisipalidad ng Pateros sa bahagi ng Bonifacio Global City, kabilang ang Barrio Mamangkat, noong unang panahon na dinidinig pa rin sa kasalukuyan sa Taguig City Regional Trial Court na inihain noong 2012.

Una nang lumabas sa desisyon ng Court of Appeals na ang pitong military barangay na kinabibilangan ng Cembo, South Cembo, East Rembo, West Rembo, Comembo, Pembo at Pitogo, gayundin ang Inner Fort barangays na Post Proper Northside at Post Proper Southside, ay nasa hurisdiksyon ng Makati. Pasok ang Bonifacio Global City sa Inner Fort.

Incoming search terms:

Translate »
    AfrikaansArabicBulgarianCebuanoChinese(Simplified)Chinese(Traditional)CroatianEnglishFilipinoHindiIndonesianItalianJapaneseKoreanLithuanianMalayPolishRomanianRussianSlovenianSomaliSpanishThaiTurkishUkranianVietnamese
    AfrikaansArabicBulgarianCebuanoChinese(Simplified)Chinese(Traditional)CroatianEnglishFilipinoHindiIndonesianItalianJapaneseKoreanLithuanianMalayPolishRomanianRussianSlovenianSomaliSpanishThaiTurkishUkranianVietnamese