Home » NBA » LEBRON, NANGAKONG BABALIK SA PILIPINAS

LEBRON, NANGAKONG BABALIK SA PILIPINAS

 

LEBRON James in Manila

Dahil sa naging mainit na pagtanggap ng Pinoy NBA fans

Naging magiliw si NBA superstar LeBron James sa kanyang naging pagharap sa mga mamamahayag kahapon ng tanghali, nagbigay ng pagpupugay sa kanyang Filipino-American coach na si Erik Spoelstra, at nangako sa kanyang fans na hindi ito ang una’t huling pagbisita niya sa Pilipinas.

Sinabi ng two-time NBA champion at four-time MVP na ang madalas bumisita sa Maynila na si Spoelstra ang nagkuwento sa kanya tungkol sa kung ano ang kanyang dapat asahan mula sa bansang mahilig sa basketball.

“Absolutely, coach Spo told me all about it (Manila experience). It’s very exciting to be part of such (basketball) culture,“ pahayag ni James sa press conference na ginanap sa Rizal Ballroom ng Makati Shangri-la.

Naantala ng isang oras sa kanyang pagdating, humarap si James mga mga miyembro ng media para sa maikling one-on-one interview sa sports anchor na si Boom Gonzales.

Sinabi ni James na nais niyang ibalik ang mainit na pagtanggap na kanyang naranasan sa kanyang pagdating noong Martes sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kanyang mga natutunan sa kanyang mga taon sa NBA, kabilang ang kanyang mga napagtanto matapos manalo ng dalawang sunod na kampeonato bilang manlalaro ng Miami Heat.

“I can’t believe this is my first time here but definitely this is not gonna be my last,“ ani ng 28-anyos na superstar ng Heat na sinalubong naman ng malakas na palakpakan at hiyawan.

Ayon sa 6’8“ NBA superstar, naging mas mahirap ang pagsungkit ng ikalawang titulo sa NBA, lalo’t ito ay kontra sa palaban na San Antonio Spurs.

Sa katunayan, inamin ni James na naging taas-baba ang kanyang emosyon sa NBA playoffs, na sabi niya’y limang beses na mahirap kumpara sa regular season.

“Both the two championship runs were emotionally draining because you go from one series to the next, the next game to the (other) game. A playoff game is five times more difficult than (in) the regular season,“ aniya.

“But the emotions ran high and ran low at times throughout the whole series. My first year we lost to OKC (Oklahoma City Thunder) in Game One, my emotions went low, but after that game I showed my emotions.

“And this year, I was up the whole time, I knew the hard work and how well they played, but I’m just glad we were able to accomplish the goal.“

Matapos ang panandaliang media appearance ni James, siya ay agad nagtungo sa Nike Park sa Bonifacio Global City, ang parehong lugar kung saan pumila ang may 7,000 basketball fans sa loob ng dalawang araw noong nakaraang linggo upang makakuha ng libreng tiket sa kanyang “Witness History“ tour na handog ng Nike.

Tinapos ng superstar ng Miami Heat ang araw sa pamamagitan ng isang personal appearance sa Mall of Asia Arena kasama ang ilang local Nike endorsers. SPIN.ph

comments
Translate »
    AfrikaansArabicBulgarianCebuanoChinese(Simplified)Chinese(Traditional)CroatianEnglishFilipinoHindiIndonesianItalianJapaneseKoreanLithuanianMalayPolishRomanianRussianSlovenianSomaliSpanishThaiTurkishUkranianVietnamese
    AfrikaansArabicBulgarianCebuanoChinese(Simplified)Chinese(Traditional)CroatianEnglishFilipinoHindiIndonesianItalianJapaneseKoreanLithuanianMalayPolishRomanianRussianSlovenianSomaliSpanishThaiTurkishUkranianVietnamese