Home » Sentido Komun » PORK BARREL

PORK BARREL

Sa pagsabog ng P10 billion pork barrel scam, tila boma ring dumagundong ang sigaw ng sambayanan: Itigil na ang pork barrel! Kabilang sa mga umalma ang mismong mga mambabatas na maaaring ayaw mabahiran ng nakadidismayang iskandalo. Matindi rin ang pagkondena ng mga alagad ng Simbahan na sa mula’t mula pa ay nanggagalaiti sa masalimuot na pamamahagi ng pork barrel.

Samantalang halos lahat ng sektor ay nanawagan ng pagbuwag sa pork barrel, tila ang Malakanyang ay nagkikibit-balikat lamang. Ang naturang pondo, tulad ng Priority Development Assistance Funds (PDAF) at Intelligence Funds, ay kailangan ng administrasyon upang matiyak ang kooperasyon ng mga mambabatas. Hindi ba ang nabanggit na mga pondo ang panghikayat ng Malakanyang sa sinumang nais pasunurin sa kumpas nito? May mga mambabatas, lalo na ang mga miyembro ng oposisyon, ang halos lumuhod sa Department of Budget and Management (DBM) upang palabasin ang kanilang pork barrel.

Totoong masalimuot ang paglalaan ng naturang milyun-milyong pisong pondo para sa mga mambabatas, tulad nga ng nabunyag na anomalya. Ginagamit lamang ito para sa kanilang sariling kapakanan, tulad ng nakapagdududang SOP (standard operating procedure) sa mga proyektong pambayan. Hindi ba ito ay naililipat din sa mga foundation ng mismong mga mambabatas o ng kanilang mga kamag-anak?

Totoo rin, kung sabagay, na ang bahagi ng nasabing pork barrel ay nailalaan sa makabuluhang proyekto na tulad ng mga silid-aralan, hospital assistance, medisina para sa mga maralita at iba pa.

Upang mapawi ang ganitong mga alingasngas, ganap nang itigil ang pork barrel. Iukol na lamang ng mga mambabatas ang kanilang misyon sa pagbalangkas ng mga batas at hindi sa pagnenegosyo na ibinubunsod ng naturang pondo.

Pati ang pork barrel ng Malakanyang ay alisin na rin upang mapawi ang mga pag-aalinlangan na ito ang nagiging instrumento ng kurapsiyon.

Incoming search terms: