Home » Balita » Pambansang Kongreso sa Wika, idaraos

Pambansang Kongreso sa Wika, idaraos

Para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika, itataguyod ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) ang unang Pambansang Kongreso sa Wika sa Agosto 19-21, 2013 sa Leong Hall sa Ateneo De Manila University (ADMU) sa Quezon City.

Layunin nitong matalakay at mailatag ang mga kaukulang solusyon sa mga suliraning pangwika sa iba’t ibang larang, lalo na sa mga dominyo ng kapangyarihan (power domains) kaugnay ng pagpapaunlad at pagpapalaganap ng Filipino at iba pang mga wika sa bansa.

Tampok sa unang araw ng nasabing Kongreso ang pambungad na pananalita ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III, at sa ikalawa at ikatlong araw gagawin ang serye ng mga talakayang plenaryo tungkol sa mga usaping pangwika.

Igagawad naman ang Kampeon ng Wika sa mga natatanging indibiduwal na nakatulong sa pagpapayabong ng Filipino at ng iba pang wika sa bansa.

Lalagdaan din ang memorandum ng kasunduan kaugnay ng 30ektaryang lupain ng ancestral domains ng mga katutubong Higaonon na ipinagkaloob sa KWF.

Inaanyayahan ang mga interesadong indibidwal at/o organisasyon na makibahagi sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa at makilahok sa Pambansang Kongreso ng Wika, na may bayad na P3,000. Para sa mga magpapareserba, tumawag sa (02) 735-2525, local 112, at hanapin si Lorna Lynn L. Wenceslao. Sa iba pang detalye, tawagan sina Jomar I. Cañega o Sheilee Boras-Vega sa (02) 763-2524, local 101. – Charina Clarisse L. Echaluce

Incoming search terms:

comments
Translate »


















Translate »