Home » Balita » Chikungunya outbreak sa Antique, kinumpirma

Chikungunya outbreak sa Antique, kinumpirma

Kinumpirma ni Department of Health (DoH) Assistant Secretary Dr. Eric Tayag na may outbreak nga ng chikungunya sa Antique.

Kaugnay nito, hinimok rin ni Tayag, director ng DOH-National Epidemiology Center (NEC), ang publiko na magpatupad ng preventive measure upang makaiwas sa pagkalat ng sakit.

Ayon kay Tayag, kumpirmadong may chikungunya outbreak sa Patnongon, Antique.

Bagamat nasa 313 na ang nabiktima ng sakit ay wala naman aniyang namatay dahil dito.

Nagsimula aniyang mambiktima ang chikungunya sa lalawigan noong Abril, at nakita ang mga itlog ng lamok sa mga bakod na kawayan.

Sa kanyang Twitter account, sinabi rin ni Tayag na ang dengue at chikungunya ay parehong nakukuha mula sa kagat ng lamok, kaya ang mga lugar na nanganganib sa dengue ay nanganganib rin sa chikungunya.

Maging ang mga sintomas ng dalawang sakit ay pareho, kabilang na ang lagnat, rashes, at pananakit ng mga kasukasuan.

Gayunman, ang dengue ay mas delikado kumpara sa chikungunya dahil ang huling estado ng dengue ay maaaring magresulta sa shock, pagdurugo at organ failure, at malaunan ay kamatayan habang ang chikungunya naman ay nagkakaroon lamang ng matinding pananakit ng kasukasuan na maaaring magtagal ng ilang taon. – Mary Ann Santiago

Incoming search terms: