Home » Balita » 2 nasawi sa lumubog na barko

2 nasawi sa lumubog na barko

Dalawa ang nasawi at 54 katao ang nailigtas mula sa lumubog na RORO vessel sa karagatang sakop ng Burias Island sa Masbate madaling araw nitong Biyernes, batay sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG) bandang 1:00 ng hapon kahapon.

Sinabi ni PCG Spokesman Commander Armand Balilo na ipinakalat na nila ang tatlong barko, ang MCS 3001, BRP Pampanga at isang helicopter upang tumulong sa rescue operations para sa lumubog na barko.

Iniulat kahapon ng hapon na hanggang anim na pasahero pa ang nawawala.

Kabilang sa mga nailigtas ang 12 tripulante ng RORO vessel kasama ang kapitan na si Gregorio Mateo.

Kinilala ng PCG ang mga nasawi na sina Erlinda Joviltado at Carlota Singa.

Lulan sa M/V Lady of Mt. Carmel ang 55 pasahero, dalawang bus at isang six-wheeler truck at patungong Aroroy, Masbate nang lumubog sa Burias island.

Batay sa inisyal na ulat, umalis ang RORO vessel sa Pio Duran, Albay bandang 2:00 ng umaga patungong Aroroy, Masbate nang hampasin umano ito ng malalaking alon.

Kabilang sa nagsagawa ng rescue operations ang Office of Civil Defense (OCD)-Bicol, Philippine National Police (PNP) Maritime Unit at dalawang grupo ng Bantay Dagat ng pamahalaang panglalawigan ng Masbate. – Jenny F. Manongdo/Manila Bulletin at Fer Taboy

Incoming search terms:

comments
Translate »


















Translate »