Home » Balita » Gun ban, ipatutupad hanggang Hunyo

Gun ban, ipatutupad hanggang Hunyo

 

Nilinaw kahapon ng Philippine National Police (PNP) na nananatiling umiiral ang election gun ban at magpapatuloy ang police visibility at law enforcement operation sa Bacoor City.

Ito’y bilang bahagi ng election security operations ng PNP at hindi panghaharas kay Senator Bong Revilla Jr. ang ginagawang pagbabantay sa umano’y 30 pang armadong tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) na nagtatago umano sa mansiyon ng senador.

Iginiit ni PNP Spokesman Chief Supt. Generoso Cerbo Jr. na lehitimo ang operasyon ng Cavite Provincial Police Office, bilang deputized agency ng Commission on Election (Comelec).

“This is a legitimate police operation. As a deputized agency of COMELEC, we continue to implement the election gun ban as part of our security operations during the election period,” pahayag ni Cerbo.

Sinabi pa ni Cerbo na mananatili ang presensiya ng pulisya sa Bacoor City bilang bahagi ng pagpapatuloy ng police operations na nagsimula noong araw ng halalan (Mayo 13) kung saan ay anim na miyembro ng NBI ang dinakip.

Hinahanap pa rin ng Cavite police ang may 30 NBI agent na umano’y nagtatago sa mansiyon ni Sen. Revilla.

Sinabi naman ng Cavite Police official na hanggang hindi nila nahahalughog ang bahay ni Sen. Revilla ay mananatili ang kanilang pagdududa na nasa loob pa ng bahay ng mga Revilla ang may 30 NBI agent na pawang armado ng matataas na kalibre ng baril.

Hindi umano mangingimi ang pulisya na arestuhin ang sinuman ang lalabag sa umiiral na gun ban na tatagal hanggang Hunyo 12.

Sinabi naman ni PNP Regional Calabarzon Chief Supt. Benito Estipona, ipinaubaya na niya ang pamamahala sa sitwasyon sa kanyang provincial commander na si Cavite Police Chief Senior Supt. Alexander Rafael, habang ang mataas na opisyal ng PNP ay patuloy ang pakikipag-ugnayan sa liderato ng NBI.

Sa isinagawang pulong-balitaan sa Media Center ng Task Force Secure and Fair Elections (SAFE) 2013, sinabi ni PNP Chief Police Director General Alan Purisima na ang gun ban ay magpapatuloy hanggang Hunyo 12 at walang sinuman ang nag-utos sa mga pulis na guluhin ang pamilya Revilla.

Sa pagkakaaresto ng anim na NBI agent, nakasamsam ang pulisya ng dalawang caliber .45 pistol, dalawang M-16 assault rifle at isang AK-47, na pawang walang Comelec gun ban exemption. – Fer Taboy

comments
Translate »
    AfrikaansArabicBulgarianCebuanoChinese(Simplified)Chinese(Traditional)CroatianEnglishFilipinoHindiIndonesianItalianJapaneseKoreanLithuanianMalayPolishRomanianRussianSlovenianSomaliSpanishThaiTurkishUkranianVietnamese
    AfrikaansArabicBulgarianCebuanoChinese(Simplified)Chinese(Traditional)CroatianEnglishFilipinoHindiIndonesianItalianJapaneseKoreanLithuanianMalayPolishRomanianRussianSlovenianSomaliSpanishThaiTurkishUkranianVietnamese