Home » Showbiz atbp. » Arnel, may payo kay Charice

Arnel, may payo kay Charice

SI ARNEL PINEDA ang kumanta ng jingle ng unang TV commercial ng Puregold Supermarket na inilunsad nitong nakaraang Biyernes sa Luk Foo restaurant sa Puregold QI branch.

ARNEL PINEDALabis na touch, naging emotional at lalong humanga kay Arnel ang reporters nang ikuwento niya kung paano siya napapayag ng grocery chain para kantahin ang kanilang jingle.

“Malapit kasi ang loob ko sa advocacy ng Puregold na tumutulong sa small entrepreneurs,“ sabi ng sikat na bokalista ng Journey, na ang tinutukoy ay ang pagtulong nito sa libu-libong sari-sari store owners sa pamamagitan ng kanilang Tindahan ni Aling Puring.

Kumpara sa ibang giant grocery chains na nagiging sanhi ng pagsasara ng maliliit na negosyo sa kanilang paligid, hinihimok ng Puregold ang sari-sari store owners at iba pang maliliit na negosyante na dumalaw sa kanilang branches upang matulungan at maturuan sila ng tamang pagpapatakbo ng negosyo. Katunayan, may “Sari sari Store Convention“ sila ngayong Mayo 22 hanggang 25 sa World Trade Center, Tagaytay, at Bulacan.

“Naging parte ako ng sektor na `yan ng ating lipunan,“ kuwento pa ni Arnel. “Noong nagsisimula pa lang kaming mag-asawa, nagtinda-tinda rin kami sa Kamuning ng mga ulam na niluluto ko. Ako ang namamalengke sa Balintawak at ako rin ang nagluluto, `tapos tulong kaming magasawa sa pagtitinda.“

Kare-kare ang bestseller nila, kuwento pa ni Arnel.

Hindi rin niya ikinahiyang aminin na naligaw ang kanyang landas dahil sa masasamang bisyo.

“Thank you sa asawa ko, dahil simula nang makilala ko siya dumiretso na ang buhay ko,“ aniyang ikinaiyak tuloy ng moderator ng presscon na si Chuck Gomez.

Inspired si Arnel na balikan ang kanyang pagiging entrepreneur.

“Gusto ko pang matuto para maging magaling na businessman,“ aniya.

Dream daw niyang magkaroon ng sariling restaurant para mabalikan ang kanyang hilig sa pagluluto.

Deserving maging inspirasyon ng marami nating kababayan si Arnel Pineda na nagsimulang kumanta-kanta kasama ang kanyang banda sa Shakey’s Alimall at Shakey’s Frontier, nagtiyaga at bumilang ng 25 taon bago na-discover ng Journey sa pamamagitan ng YouTube. (Lilipad siya next week para sa European tour ng banda.)

Tinanong namin si Arnel tungkol sa kalagayan ng career ni Charice Pempengco ngayon, na tulad niya ay sumikat din sa US dahil sa YouTube.

“Nagulat lang siguro ang publiko sa drastic change na nakita sa kanya,“ sabi ni Arnel. “Alam n’yo naman dito sa atin, hindi tayo sanay sa mabilisang pagbabago, dapat dahan-dahan lang.“

Ano ang maipapayo niya kay Charice?

“Just continue singing. Doon siya nag-stand out, doon siya dapat mag-concentrate. Lilipas naman lahat ng bagay, kaya ipagpatuloy lang niya ang pagkanta.“

Nakatulong ba na matured na si Arnel at marami nang hirap na pinagdaanan kaya mas napangalagaan niya ang tinatamasang kasikatan?

“Lampas forty years old na ako na-discover,“ aniya. “Akala ko talaga noon wala na. Pero puwede pa pala. So, hindi disadvantage ang age. Oo, mas precious sa akin ang blessings na ibinibigay sa akin at mas iniingatan ko kasi pinagdaanan ko na ang lahat-lahat ng hirap na mararanasan sa buhay.“

comments


















Translate »