MACALELON, Quezon – Sampung menor de edad ang nasugatan matapos bumagsak sa ilog ang isang tulay habang sila ay tumatawid sa Barangay Masipag sa bayan na ito noong Martes ng gabi.
Agad na rumesponde ang pulis at militar na pinamumunuan nila Insp. Leizel Abenilla at isang Pfc. Mina ng 85th Infantry Battalion sa lugar na kinagsakan ng hanging bridge base sa impormasyong ipinadala ni Elenita Falcolan, opisyal ng Barangay Masipag.
Isang rescue operation ang isinagawa sa mga biktima na sina Airabell Ubaña, 16; Ryan Ceazar, 2;
Mariel Cangas, 16; Karen Samadan, 16; Ylhyn Joie Lagumen, 17; Reyzel Ann Escleto, 13; Jayzel Dalde Ramiro, 14; Kate Izza Joy Ramiro, 14; Erinette de la Cruz, 15; at Rannel de la Paz, pawang residente ng Barangay Masipag.
Sinabi sa ulat na dakong 6:00 ng gabi tumatawid ang mga bata sa hanging bridge na may 100-metro ang haba nang bumigay ang kable nito sa bandang gitna ng istruktura.
Dahil sa mabilis na pagresponde ng awtoridad, agad na nasagip isa-isa ang mga biktima sa ilog.
Iniimbestigahan na ng engineering office ng munisipalidad ang sanhi ng trahedya. – Danny J. Estacio

