Kung ang mga pulitiko ay hinati nila ang kanilang mga sarili sa grupong Liberal Party at United Nationalists Opposition ang Simbahang Katoliko naman, sa Team Buhay at Team Patay. Ang layunin ng mga pulitiko ay kunin ang boto ng mamamayan, pero ang Simbahan, kung kanino ito dapat ibigay. Karugtong ito ng kanyang labang ibasura sana ang Reproductive Health Bill (RHB), pero dahil ang bill ay naging batas na, para ituro sa mamamayan kung sino ang dapat at hindi dapat iboto. Kung sino ang tumutol sa RHB sila ang nasa Team Buhay na dapat daw iboto, iyong mga nagsulong, sa Team Patay na hindi dapat. Dahil sa nakapaskel ito sa ilan nang mga simbahan may gustong ipabaklas ito sa COMELEC na dapat naman daw dahil labag sa sukat na itinakda nito.
Kung naaayon sa sukat ang paskel, pinapanigan ko ang ginagawa ng Simbahan. Kasi ang pangunahing argumentongmganagsulongatnagpasa ng RH Bill na ang ilan nga ay nasa Team Patay, tayo raw bilang bansa ay dukha. Kaya tayong mga mamamayan ay naghihikahos din dahil sa ating pagdami na dapat daw kontrolin na ang panganganak sa pamamagitan ng iba’t ibang contraceptives. Pero, dukha ba tayong bansa at kulang sa salapi ang ating pamahalaan para sustentuhan ang mga batayang pangangailangan natin? Kamakailan pinamaskuhan ng 1.6 milyon ni Senate President Enrile ang mga senador maliban sa ilang mga hindi niya kaalyado na ang kanyang lang ibinigay ay P350,000. Ang pondong ito ay natipid daw ng Senado sa kanyang budget. Ganito rin ang ginagawa ng halos lahat ng ahensiya ng gobyerno na iniipit ang inilaang pondo para sa mamamayan upang may paghahati-hatiin ang mga opisyal ng mga ito para sa kanilang sarili. Hindi ba ipinatigil ng Commission on Audit (COA) ngayon lang ang kalakaran sa Development Bank of the Philippines na ang mga magreretirong opisyal nito, tulad ng mga nasa militar noon, ay may milyong-milyong pabaon? Ang COA rin ang nagsabi na ang pork barrel nina Enrile, Jinggoy Estrada at Buhay Rep. Rene Velarde ay napunta sa Pangkabuhayan Foundation Inc. (PFI) at ZNAC Rubber Estate Corp. (ZREC). Pero, peke pala ang mga ito at ang milyung-milyong salapi galing sa Priority Development Assistance Fund ng tatlong mambabatas ay sinuportahan ng mga pekeng resibo para lumabas na nagastos ito. Sangayon ako sa Team Buhay at Team Patay paskel na manatili at ikalat pa nga ang mga ito hindi dahil na sa isyu ng RH Law kundi dahil sa panlilinlang ng mga nasa Team Patay na tayo ay dukha kaya kailangan natin ang batas. Hindi kasi tayo mahirap, kaya lang nga kaunti ang nakikinabang sa ating kayamanan kaya marami ang naghihikahos.

