Ni Nora Calderon
NAGTATAWANAN ang mag amang Vic at Oyo Boy Sotto tuwing taping nila ng Vampire Ang DaddyKo at tatawaging `daddy’ ni Vic si Oyo at `anak’ naman ang tawag ni Oyo kay Vic.
“Matagal na kasi ang offer sa akin ng GMA Network na muling gumawa ng sitcom,“ kuwento ni Vic sa presscon. “Pero naging busy talaga ako noon nang gumawa ako ng mga show sa TV5. Ngayong libre na ako, nag-decide na akong makipag-usap muli sa kanila. Maganda naman ang concept na naisip ni Bibeth (Orteza) sa bagong sitcom at naintriga ako na si Oyo ang gaganap na tatay ko.
“Hindi kasi tumatanda ang mga bampira, kaya bata pa rin siya. Dapat ay si Glaiza (de Castro) ang nanay ko na isa ring bampira, pero tumanggi ang tatay ko kaya normal na tao ang naging nanay ko, na ginampanan ni Jackielou Blanco. Pero dahil tao, tumanda siya, kaya ang asawa ngayon ni Oyo ay si Pilita Corrales.“
“Nang tawagan ako ni Daddy kung p’wede raw akong gumawa ng sitcom sa GMA, sabi ko, no problem kasi freelancer naman ako, wala akong exclusive contract sa TV5,“ kuwento naman ni Oyo.
“ Pero si Tita Bibeth ang tumawag sa akin at siyang nagsabi na ako raw ang gaganap na tatay ni Daddy. Natawa ako at sabi ko, ngayon lang yata may story na ang anak ang gaganap na ama ng sarili niyang tatay. Inexplain ni Tita Bibeth na isa akong bampira kaya hindi ako tumatanda. Challenge sa akin ang bagong role kaya na-excite ako nang tanggapin ko ang offer.“
Kinumusta rin ng press kay Oyo ang kanyang mag-ina, sina Kristine Hermosa at ang one year and two month-old na si Ondrea Bliss. Kapag wala siyang trabaho, tinutulungan niya si Tin na magalaga kay Ondrea at sinabing gusto na ni Kristine na bumalik sa paggawa ng soap. May plano ring i-guest si Kristine sa Vampire Ang Daddy Ko na sa script ni Bibeth ay mali-link kay Vlad (Oyo) at siguradong riot sa katatawanan kung pagseselosan siya ni Pilita.
Tungkol naman sa isyu na galit daw sila ng kanyang Ate Danica sa girlfriend ngayon ng daddy nila na si Pauleen Luna:
“Hindi po totoo `yon. `Nirerespeto namin kung sino man ang gusto ni Daddy. Saka bakit naman kami magagalit kay Pauleen? Wala naman siyang ginagawang masama sa amin. Masaya nga kami kay Daddy dahil nakikita namin ni Ate na mukhang mas bumabata siya ngayon at laging masaya. Iyon lang naman ang gusto namin, na laging masaya ang aming ama, kaya kung sino ang nagpapasaya sa kanya, doon kami.“
Bukas na mapapanood ang Vampire Ang Daddy Ko, pagkatapos ng IBilib, kasama sina Derrick Monasterio, Bea Binene, Anjo Yllana, Sef Cadayona, Jackie Oda, Jimmy Santos at ang bagong child wonder na si Ryzza Mae Dizon.

