Home » Volleyball » Gorayeb, ipinagmalaki ang mga player

Gorayeb, ipinagmalaki ang mga player

Matapos ang dalawang sunod na runner-up finish sa UAAP women’s volleyball, ipinapaubaya na ni Ateneo Lady Eagles coach Roger Gorayeb ang kanyang kapalaran sa pamunuan ng unibersidad kasabay sa pagtatapos ng kanyang limang taong kontrata bilang coach.

Sa kabila ng dalawang sunod na pagkabigo sa kamay ng mahigpit nilang karibal na De La Salle University sa kampeonato, sinabi ni Gorayeb na kontento na siya at natutuwa sa inabot at naging “accomplishment“ ng kanyang team.

“Tatlong trophies sa UAAP at dalawang V-League titles, hindi na masama. Sobrang proud ako sa mga player ko sa naging transformation nila mula nang hawakan ko ang team the last five years,” pahayag ni Gorayeb.

“Siyempre, malungkot kasi natalo kami ng dalawang beses sa La Salle, pero proud pa rin ako sa mga player ko. Kahit maliliit kami at ang lalaki ng kalaban, naipakita namin na hindi naman kami pahuhuli pagdating sa skills,” dagdag pa ni Gorayeb.

Nang tanungin kung ano ang magiging kasunod sa lahat ng sinasabi niyang mga magagandang accomplishments, sinabi ni Gorayeb na hindi na niya hawak ang kanyang kapalaran.

“Hindi ko pa alam eh. Five years lang naman ang pinag-usapan namin noon. Nasa management na iyon kung ano ang magiging desisyon nila,” pahayag pa nito.

Gayunman, nagpahiwatig naman ito ng kagustuhan na manatili pa kung bibigyan pa siya ng pagkakataon.

“Bakit naman hindi, kinuha lang naman nila ako para tumulong na mapaangat ‘yung kanilang volleyball program, pero kung gusto nila siyempre gusto ko ring mag-stay kasi maganda naman ang samahan dito at pamamalakad ng management,” ayon pa kay Gorayeb. – Marivic Awitan

Incoming search terms: