Hinikayat ng isang opisyal ng Kamara de Representate ang mga botante na tingnan ang website nito upang malaman ang mga nagawa ng mga miyembro ng 15th Congress na maaaring makatulong sa kanilang pagpili ng mga iboboto mula sa hanay ng mga re-electionist na kongresista.
Bagamat tumangging magpakilala, inamin ng opisyal na bumabaha ng request sa bills and index division ng Kamara hinggil sa mga panukala na naihain ng mga kongresista at ang estado ng mga ito.
“Most of the inquiries are clearly related to the upcoming campaign. I would like to instruct them to visit our website where the complete list of bills and the status are indicated,” sinabi ng source.
Kamakailan, ibinandera ni Parañaque City Rep. Edwin Olivarez (1st District, Liberal Party) sa mga residente ng Parañaque na siya ang naghain at nagsulong sa pag-aapruba ng isang panukala sa pagsasama ng voter’s education subject sa high school curriculum.
Subalit lumilitaw sa Congressional Records na may petsang Pebrero 13, 2013 na ang panukala ay inilagay lamang sa “referred to” status sa House Committee on Basic Education and Culture sa petsang nabanggit.
Nang sumunod na araw, ipinaskil ni Olivarez sa kanyang Facebook account ang pagpasa at paglalagda bilang batas ng panukala, kasabay ng pagsabi: “Atin pong ginawa at ipinasa ang Voters’ Education Act of 2012 kung saan bibigyan ng voters education ang mga first time voters sa High School.” – Ben Rosario/ Manila Bulletin

