Ni Kris Maralit
Makalipas ang tatlumpung taon, patuloy ang pamamayagpag ng Philippine Basketball Association bilang numero uno sa sports entertainment sa bansa.
At magandang patunay dito ang nagdaang taon.
Nagtala ang unang propesyunal na liga ng basketball sa Asya ng bagong rekord sa gate receipt na umabot sa P114milyon sa isang season na kinakitaan ng tatlong koponan bilang mga kampeon.
Madaling nabura ng nasabing pigura ang dating marka na P90 milyon na nakamit noon lamang isang taon.
Kapansin-pansin na ang dalawang matataas na marka ay nakamit sa unang dalawang termino ni Atty. Chito Salud bilang komisyoner ng liga.
At dahil sa kanyang mga magagandang nagawa para sa liga sa maikling panahon, kikilalanin ng Philippine Sportswriters Association (PSA) si Salud bilang Executive of the Year.
Ibibigay ang pagkilala sa anak ni dating PBA commissioner Atty. Rodrigo Salud sa PSA-Milo Annual Awards Night na nakatakdang idaos sa grand ballroom ng makasaysayang Manila Hotel sa Marso 16.
“The Board was unanimous in its choice. There’s no perfect person for the PSA Executive of the Year award than PBA commissioner Chito Salud,” pahayag ni Tempo sports editor Rey Bancod, ang kasalukuyang pangulo ng PSA.
Si Salud ang ikatlong tatanggap ng parangal na unang ibinigay noong 2010 sa pinakamatandang organisasyon ng media sa gabi ng kasiyahan na handog ng Rain or Shine, Globalport 900, Meralco, Senador Chiz Escudero, PBA, LBC, Smart, Philippine Sports Commission, at ICTSI at Philippine Golf Tour.
Unang ibinigay ang pagkilala kay Philippine Azkals team manager Dan Palami na sinundan naman kay
Amateur Boxing Association of the Philipippines president Ricky Vargas, siya ring presidente at Chief Executive Officer ng Maynilad.
Bukod sa pag-angat sa PBA, nagawa rin ni Salud na mapapayag ang mga Board representative mula sa 10 koponan na ipahiram ang kanilang mga manlalaro para sa Gilas Pilipinas na sasabak sa aksiyon sa FIBA-Asia Men’s Basketball Championship na idaraos sa bansa sa unang pagkakataon matapos ang apat na dekada.
Si Salud ay isa sa mahigit 50 personalidad na bibigyan papuri sa dalawang oras na pagtitipon dahil sa kanilang ng mga maningning na tagumpay noong 2012.
Ang mga bibigyan parangal ay pangungunahan ng apat na maghahati para sa prestihiyosong Athlete of the Year award na sina Nonito Donaire Jr., Josie Gabuco, Manila women’s softball team, at Ateneo Blue Eagles.

