Dalawampu’t dalawa mula sa 33 kandidato sa pagka-senador sa May 13 midterm elections ang pinadalhan ng notice of violation ng Commission on Elections (Comelec) dahil sa kanilang illegal campaign poster.
Ayon kay Comelec Spokesman James Jimenez, batay sa kanilang listahan ang tatlong Team PNOY senatorial candidate na sina Risa Hontiveros, Cong. Sonny Angara at Bam Aquino ang nanguna sa listahan ng mga lumabag o may pinakamaraming napadalhang notice.
Sumunod naman sina Senador Antonio Trillanes IV at Chiz Escudero ng Team PNoy at independent candidate Rep. Teddy Casino.
Sinabi ni Jimenez na hanggang sa ngayon ay hindi pa rin naaalis ang mga poster ni Escudero ng mga produktong kanyang iniendorso.
Paliwanag ni Jimenez, dapat na alisin ng may-ari ng mga PUV ang ads ng mga kandidato dahil umaarangkada na ang campaign period.
Sa mga political parties naman, ang United Nationalist Alliance (UNA) ang nanguna na may limang kandidatong pinadalhan ng notice, ang Nacionalista Party ay isa, Makabayan ay isa, Liberal Party ay dalawa, Akbayan ay isa at Laban ng Demokratikong Pilipino ay isa.
Nabatid na sa mga party-list naman ay nangungunang violator ang Buhay, Kabataan at LPGMA. – Mary Ann Santiago

