Isasama sa “cash-for-work” program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang tinatayang 800,000 Pinoy worker sa Malaysia kapag uuwi ang mga ito dulot ng patuloy na kaguluhan sa pagitan ng Malaysian forces at Sulu Royal Army.
Ipinahayag ni DSWD Secretary Corazon Soliman, bukod sa “cash-for-work,” ihahanap din ng ahensiya ng permanenteng kabuhayan ang mga ito na nakapaloob sa isinusulong na livelihood program ng pamahalaan.
“Kami ni Department of Labor and Employment (DoLE) Secretary Rosalinda Baldoz ay nag-uusap na. Meron ho tayong cash-for-work, ‘yun ho ang pinakamabilis halimbawang dumating at bumalik na po sila sa kanilang lugar. Kukunin sila para sa paglilinis at pag-aayos ng public infrastructures para makakuha po sila agad ng suweldo. Tapos ang susunod ho, ‘yung mga sustainable livelihood intervention kasama ang TESDA (Technical Education and Skills Development Authority) at DoLE,” paliwanag ng Kalihim.
Nagbukas na rin aniya sila ng “humanitarian corridor” at nakamahagi ng pagkain sa naiwang pamilya ng SRA sa mga bayan sa TawiTawi, Basilan at Zamboanga.
Idinagdag n Baldoz na nakausap na rin nila ang asawa ng mga tauhan ng Sultanato ng Sulu, gayundin ang misis ni Raja Muda Kiram na si Haj Nurkisa.
Nagdagdag na rin sila ng tauhan na aalalay sa inaasahang pagdami ng mga Pilipinong deportee, dahil sa tensiyon sa Sabah na pilit na binabawi ng Sultanato ng Sulu. – Rommel P. Tabbad

