Si Dexter Condez, ang pinagka katiwalaang lider ng mga Ati ng Isla ng Boracay, ay inihatid na sa kanyang huling hantungan noong nakaraang Sabado. Siya ay isang bayani. Binaril siya ng isang umano’y security guard ng mga operator ng mga resort at hotel sa Boracay. Kinondena nina Kalibo Bishop Jose Corazon Tala-oc at 20 iba pang pari mula sa diocese ang pagpaslang kay Dexter, itinuturing na “tinig ng katapangan“ ng mga Ati sa Isla ng Boracay ang premyadong tourist destination sa bansa.
Sa kanyang homiliya sa misa para sa lider ng tribung Ati, sinabi ni Bishop Tala-oc: “Kasama mo kami sa iyong pakikipaglaban para sa katarungan. Mayroon tayong bayani sa Boracay.“ Ipinangako ni Tala-oc ang suporta ng diocese sa pagpapatuloy ng pakikibaka ng pinaslang na Ati leader. Nanawagan si Tala-oc sa pulisya at mga lokal na opisyal na tiyaking mareresolba ang kaso.
Si Bb. Viel Aquino-Dee, ang kapatid ni Pangulong Noynoy at vice president ng Asisi Foundation na dumalo sa emosyunal na misa, ay naglarawan kay Dexter Condez bilang bata at may maliwanag na kinabukasan. “Those responsible should be caught and punished,“ ani Viel sa kanyang talumpati matapos ang libing.
Ang Boracay Foundation Inc. (BFI), ang pangunahing organisasyon ng Isla na kumakatawan sa mga negosyante ng mga resort, hotel, restaurant, water sports, mga stall sa palengke, paliparan at mga bangko at iba pang organisasyon sa isla, ay nakiisa sa Sinbahan at iba pang institusyong panlipunan sa pagkondena sa pamamaslang.
Sa pamamagitan ng kanilang pangulo na si Dionisio J. Salme, hinihimok ng BFI si Pangulong Noynoy, ang Philippine National Police, ang Boracay Tourist Assistance Center, ang National Bureau of Investigation, sina Congressmen Joeben Miraflores, Nonong Haresco, Gov. Lito Marquez, Malay Mayor John Yap, Justice Secretary Leila de Lima, ng media at iba pang ahensiya na mabibigyan ng katarungan ang napaslang na Ati spokesman. Kailangang maitaguyod ang hustisya at kapakanan ng lahat ng Pilipino kabilang ang tribung Ati kung kaya dapat paglaanan ng atensiyon ang kaso ng pamamaslang kay Dexter Condez. Ang pagoaslang sa Boracay Ati leader ay tunay ngang magdudulot ng mas malalang implikasyon sa pagsusulong ng pambansang interes.

