Home » Showbiz atbp. » Chef Boy Logro, bida na

Chef Boy Logro, bida na

Ni Glenn Regondola

Chef Boy at Ronnie RickettsHINDI pa rin makapaniwala ang pinakasikat na master chef na si Boy Logro na bida na siya sa pelikula.

Kinuha siya bilang kasangga ng comebacking action star at Optical Board Media (OMD) chairman na si Ronnie Ricketts para sa pelikulang The Fighting Chefs na ipapalabas na ng Viva Films sa March 6.

Kasama nila ni Ronnie sina Arci Muñoz, Vandolph, Jeffrey Santos, Hero Angeles, Joross Gamboa at anak ni Ronnie na si Marella Ricketts.

“Hindi ko naman matagal inisip kung tatanggapin ko ba `yung offer o hindi, eh,“ kuwento ni Boy Logro. “Hindi naman sa ayaw ko pero parang `di ako makaniwala na pelikula na pala ang gagawin ko.

“Kasi si Chairman (Ronnie), pinapanood ko lang noon `tapos ngayon kasama ko na.Tagahanga rin kasi ako n’yan, eh.

“Okey naman. Masaya naman ako. Sa shooting, wala akong masabi sa pamilya niya. Pati si Mariz (asawa ni Ronnie), naks, sobrang bait!“

Paano ba siya napapayag na gawin ang movie?

“Tinawagan nila ako. `Di ko nga akalain na si Chairman mismo ang tumawag at kausap ko. `Tapos, `yun, ikinuwento niya sa akin `yung takbo ng istorya. Sabi ko, `Okey, maganda, sige, payag ako’.

“Sabi ko, idolo ko `to. Dati pinapanood ko lang ang mga pelikula niya, ngayon kasama ko na. Masaya.

“At saka maganda `yung moral lesson ng pelikula kaya umoo na rin ako.“

Hindi ba siya nahirapan sa action scenes?

“Fifty six (56) years old na ako pero wala naman akong arthritis,“ pabirong sagot niya. “Well, medyo nahirapan din kasi nakakapagod pala. Pero, lagi namang nakaalalay si Ronnie. Siya rin kasi ang fight instructor at direktor namin kaya gina-guide niya kami.

“Kapag alam niya na medyo pagod na ako, alalay muna siya sa mga eksena. Napakaprofessional niya kaya bilib na bilib ako.

“Medyo comedy naman ito kaya `yung action scenes hindi naman sobrang hirap tulad sa ibang mga action.
So, parang nilalaro lang namin. Pero, ando’n `yung habulan, bakbakan. Ando’n pa `yun.“

Aware ba siya na sikat na sikat siya ngayon sa pangmasang atake niya sa kanyang cooking shows GMA Network, ang Idolo Sa Kusina at Master Chef ni Boy Logro.

“Hindi ko naman akalaing aabot sa ganito,“ saad niya. “Ang pangarap ko lang dati, eh, mapaganda ang buhay ng pamilya ko. Kaya kahit nga mahirap din sa ibang bansa, nagtiyaga ako sa Jordan for eleven years. Mahirap pero `pag nakikita mong masaya `yung mga amo mo at sarap na sarap sa luto, eh, nakakawala din ng pagod.

“Sobra’ng pasalamat ko sa Panginoon kasi sobra rin ang biyayang ibinigay Niya sa akin. Hindi ko talaga akalain na ang isang elementary graduate lang, eh, magiging matagumpay ng ganito.“

Incoming search terms: