Home » Dagdag Balita » Umuwing OFW, hinahanap ni misis

Umuwing OFW, hinahanap ni misis

Dumulog sa Progressive Tri-Media of Southern Metro (PTMSM) ang isang ginang sa labis nitong pag-aalala sa asawang overseas Filipino worker (OFW) na hindi na nakauwi sa kanilang bahay sa Mandaluyong City matapos dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 noong Disyembre 5.

Patuloy na pinaghahanap ang OFW na si Cesar A. Cruz, 52, may-asawa, residente ng No. 70 Fabella St., Brgy. Plainview Highway, Mandaluyong City.

Ayon kay Rosie, may 15 taon nang nagtatrabaho sa isang ospital sa Riyadh, Saudi Arabia ang kanyang asawa at taun-taon itong umuuwi ng Pilipinas.

Kamakalawa, nagtungo sa Pasay City Police si Rosie upang ipa-blotter ang hindi pagkakauwi ng kanyang asawa sa kanilang bahay. Ayon sa kanya, tumawag pa sa kanya ang asawa noong Disyembre 4 upang ipabatid ang pagdating nito ng Disyembre 5 at sinabing huwag na siyang sunduin at magta-taxi na lamang siya pauwi. Bagaman kumpirmado ang pagdating ni Cruz sa paliparan noong Disyembre 5, hindi naman ito nakauwi sa kanilang tirahan hanggang sa lumipas ang Pasko at Bagong Taon. – Bella Gamotea