Home » Probinsya » Kalamidad, banta sa sumisiglang ekonomiya

Kalamidad, banta sa sumisiglang ekonomiya

Umaabot sa $15.1 billion ang pinsala ng kalamidad sa Asia ngayong taon at malaki ang posibilidad na makaapekto ito sa pangmatagalang pag-unlad ng ekonomiya ng rehiyon, ayon sa United Nations.

“Economic losses are going through the roof,” sabi ni Jerry Velasquez, regional head ng UN Office for Disaster Risk Reduction.

Walang matinding kalamidad na tumama sa Asia ngayong taon, kumpara sa lindol at tsunami sa Japan at ilang linggong matinding baha sa Thailand noong nakaraang taon, na nasa $214 billion at $45 billion ang naitalang pinsala, ayon sa pagkakasunod, ngunit nananatiling pinakadelikado sa kalamidad ang rehiyon, ayon sa UN.

Sa unang 10 buwan ng 2012 lang ay umabot na sa 3,103 katao ang nasawi sa kalamidad sa Asia, mahigit ito sa kalahati ng 5,469 namatay sa kalamidad sa buong mundo.

Naapektuhan ng mga kalamidad ang 64.5 milyong Asian, kumpara sa 87 milyong sinalanta sa mundo.

Hindi pa kabilang sa report ng UN ang pagkamatay at matinding pinsalang idinulot ng bagyong ‘Pablo’ sa Mindanao, na ikinasawi ng mahigit 700 Pilipino at halos 900 pa ang nawawala, habang mahigit P7 billion na ang naitatalang pinsala sa pananim at imprastruktura.

Nangangamba ang mga eksperto na ang pagkakalantad ng Asia sa mga kalamidad, bukod pa sa lumulubhang epekto ng climate change, ay makaaapekto sa pangkalahatang pagsulong ng ekonomiya ng rehiyon kung hindi mamumuhunan ang mga gobyerno sa mga early warning system at paghahanda laban sa kalamidad.

Ang pagkakalantad sa mga kalamidad ay pinaniniwalaang disadvantage ng mismong lumalakas na ekonomiya ng Asia sa nakalipas na mga dekada, na nagbunsod sa pagpapabaya sa kalikasan, ayon kay Velasquez.

Matatandaang nakapagtala ng 7.1 porsiyentong economic growth ang Pilipinas sa third quarter ng 2012, ikalawa sa pinakamataas sa Asia. DPA

Incoming search terms:

comments
Translate »


















Translate »