Ni Angie Oredo
Hindi lamang nakatuon ang POCPSC Batang Pinoy 2012 sa paghahanap ng mga mahuhusay na batang atleta para ilahok sa kampanya ng bansa sa darating na 2014 Youth Olympic Games kundi pati na rin sa torneo na para sa mga batang estudyante tulad ng Southeast Asian Sports Schools Competition.
Ito ang sinabi ni PSC Commissioner at Batang Pinoy commissioner-in-charge Jose Luis Gomez hinggil sa direksyon ng pangunahing talent identification at grassroots program ng ahensiya kung saan asam nito mapunan ang kawalan ng mga batang atleta na posibleng pumalit sa mga miyembro ng pambansang koponan.
Idinagdag pa ni Gomez na ang Pilipinas ang magiging punong abala sa Southeast Asian Sports Schools Competition sa 2014 na isang internasyonal na torneo para sa mga student-athletes at halos kasingtulad ng ginaganap na kada dalawang taong torneo na Southeast Asian Games.
“Ang Southeast Asian Sports Schools na isinasagawa matapos ang Palarong Pambansa ay isang magandang avenue para sa ating mga student-athletes. We learned that we send a delegation that is so small so we are building a strong team of student athletes for the next tournament,” sabi
ni Gomez.
Huling isinagawa ang SEASSC sa Surabaya, Indonesia ngayong taon habang isasagawa ang susunod na torneo sa Vietnam sa 2013. Ang Pilipinas naman ang nakatakdang maging host ng aktibidad sa 2014.
Sinabi ni Gomez na nagsimula na ang PSC sa pagpili sa posibleng host na nakadepende sa naging hosting nila sa nakaraang edisyon ng Batang Pinoy leg. Ilan sa pinagpipiliaan nitong posibleng maging pagdausan sa torneo ay ang Cebu, Dumaguete at Bacolod.
Pinaplantsa na rin umano ang 2013 hosting ng Batang Pinoy kung saan may grupo na itong ipinadala para mag-inspeksiyon sa mga pasilidad.
Samantala’y opisyal na sisimulan ngayong ganap na alas-2 ng hapon ang 2012 edisyon ng POC-PSC Batang Pinoy na katatampukan ng isang magarbong seremonya at parada ng mga national at local technical officials, coaches, trainers, team managers at atleta sa Marikina Sports Complex.
Mismong si Marikina City Mayor Del De Guzman at mga opisyales ng ahensiya ang mangunguna sa pambukas na seremonya na magpapasimula sa may limang qualifying leg na torneo bago ang national finals na gaganapin sa Iloilo City sa Disyembre.
May kabuuang 12 isport ang paglalaban. Ito ay ang Athletics (Marikina Sports Center), Arnis (Riverbanks Bldg.), Badminton (Marikina Sports Hub), Boxing (Freedom Park-Marikina Elem. School Covered Gym), Chess (Convention Center), Lawn Tennis (Rancho/Toyo), Karatedo (Sta. Lucia Mall), Swimming (Marikina Sports Center), Taekwondo (Riverbanks Bldg.) Table Tennis (Convention Center) at ang national finals ng Volleyball (Marikina City Center Covered Gym at Judo (Riverbanks Bldg.)

