Ni Angie Oredo
Laro ngayon: Mon, Sep 17,
11:30am Philippines vs Macau
Okupahin ang ikalawang puwesto sa kinaaaniban nitong grupo ang asam ng Smart Gilas Pilipinas 2 sa pagsagupa nito sa huling kalaban na Macau sa preliminary round ng ginaganap na 4th FIBA Asia Cup 2012 sa Ota Gymnasium sa Tokyo, Japan.
Ito ay matapos biguin ng Gilas ang karibal na nagtatanggol na kampeon na Lebanon sa naging tampok na salpukan sa ikalawang araw ng torneo sa pagitan ng kapwa pambansang koponan, 7868, para sa una nitong panalo at isang talong kartada.
Habang isinusulat ito ay kasalukuyang kasagupa ng Gilas Pilipinas ang Uzbekistan na bitbit ang 1-0 kartada. Tinalo ng Uzbekistan ang Macau, 81-61.
Sinandigan ng Gilas ang naturalized player na si Marcus Douthit na nakipagpalitan ng iba’t-ibang matinding abilidad sa laro kontra kay Fadi El Khatib ng Lebanon upang ibalikwas sa tinamo nitong masaklap na kabiguan ang Pilipinas sa kamay ng mas batang China, 68-71, sa una nitong laro.
Nagtala si Douthit ng kabuuang 25 puntos, 21 rebounds, isang assist at isang blangka habang nagtala naman si El Khatib ng 24 puntos, 15 rebounds, 4 assists at isang block bagaman nakahugot ng malaking suporta ang una mula sa mga miyembro ng allprofessional na RP squad.
“We learnt from our mistakes last night,“ sabi ni Reyes. “We were constantly reminding ourselves throughout the night, especially in the last few moments about last night. I think that kept us in good stead,“ sabi pa nito.
Inaasahan naman na magiging madali ang laban ng Gilas kontra sa hindi gaanong ekspiriyensado na Macau na binubuo nina Fu In Lao, Chi San Wong, Pak Lam Sou, Shao Bing Cai, Ka Kin Long, Hip Meng Lo, Ka Tong Lai, Chon Pong Lao, Tong Fai Cheong at Ngai Sam.
Una nang tinambakan ng Lebanon ang Macau, 120-51, bago natalo sa Uzbekistan, 81-61.
Walong koponan ang uusad sa quarterfinals habang maiiwan ang dalawang koponan na siyang ookupa sa 9th at 10th place matapos ang preliminary round.
Sasagupain ng koponan na ookupa sa top spot ng Group A ang babagsak sa ikaapat na puwesto sa Group B. Makakatapat ng B2 ang mapupunta sa A3 habang maghaharap ang B1 kontra sa A4. Magsasagupa naman ang A2 na posibleng okupahan ng Pilipinas kontra sa B3 na posibleng minsan naging kampeon na Iran.

