Home » Showbiz atbp. » Panagbenga, kinasasabikang festival sa Baguio

Panagbenga, kinasasabikang festival sa Baguio

 

Teksto at Litrato ni Rizaldy Comanda

TUWING buwan ng Pebrero, na tinagurang Flower month, ay kinasasabikan ng mga residente, bakasyunista, lokal at dayuhang turista, ang isang buwang selebrasyon ng Panagbenga Festival, na punong-puno ng mga aktibidad, lalung-lalo na ang grand native street dancing at Flower Floats parade.

Ang Panagbenga ang maituturing na pinakakamalaking festival na angkop sa programa ng Department of Tourism na Its More Fun in the Philippines, dahil sa mahabang okasyon, paboritong destinasyon pa ng mga turista ang lokasyon, malamig na klima at magagandang tourist spots, at higit sa lahat ay ang pagdiriwang ng Valentine’s Day.

Ang salitang Panagbenga ay mula sa Kankanaey tribe sa lalawigan ng Benguet, na ang ibig sabihin ay “a season of blooming.” Ang mausbong na pamumulaklak ng mga halaman ay sa buwan ng Pebrero.

ANG SIMULA
Ang matagumpay na Panagbenga Festival, na noon ay tinawag na Baguio Flower Festival ay konsepto at proyekto ni Atty. Damaso E. Bangaoet, Jr., na noon ay managing director ng Camp John Hay Poro Point Development Corporation, na inayunan naman ng kanyang mga kasamahan. Isinagawa ang okasyon na ito para makalimutan ang mapait na karanasan noong 1990 Earthquake.

Taong 1995 nang simulan ang unang selebrasyon, na agad nakitaan ng potensyal na papatok hindi lamang sa mga residente kundi maging sa mga turista. Kaya agad din itong sinuportahan ng city government, iba’t ibang organisasyon at sektor ng lipunan, mga negosyante, at mga mamamayan.

Nagkaroon ng magagandang suhestiyon, ideya at pagkakaisa para gawing matagumpay ang okasyon sa buwan ng Pebrero. Taong 1996 naman nang mapagkasunduan na tawagin itong Panagbenga.

Mula noon hanggang sa nakaraang selebrasyon ng Panagbenga Festival 2012, hindi na matatawaran ang naibigay na kaligayahan at karanasan sa milyun-milyong manonood sa pagtunghay sa iba’t ibang events at ang dalawang kinasasabikang okasyon ng selebrasyon — ang native street dancing at floral floats parade.

Sa street dancing makikita ang kultura at tradisyon ng mga katutubo ng Cordillera. Sa pamamagitan ng sayaw at native costume ay ipinamamalas sa mga manonood ang kaugalian ng indigenous people at pagrespeto sa kultura na kanilang minana sa kanilang mga ninuno.

Makukulay at iba’t ibang klase ng bulaklak naman ang tampok sa bawat floats na may kanya-kanyang disenyo, kasabay ang tilian at sigawan habang pinapanood ang mga artistang nakasakay. Kasabay ng float parade ang marching band competition.

Ang grand street dancing parade ay ginaganap sa huling Sabado ng Pebrero, at kinabukasan naman ay ang float parade. Ang iba pang kinasasabikang event ng Panagbenga ay ang Market Encounter (Landscape Competition), Fluvial Parade, elementary drum and lyre competition, Session Road in Bloom at marami pang iba.

2 MILYONG TURISTA
Sa datos ng City Tourism Office at Deparment of Tourism Cordillera, literal na ang pagdagsa ng mga turista sa lungsod tuwing summer season, pero mula nang masimulan ang Panagbenga Festival ay naging triple ang pagdating ng mga turista.

Nitong nakaraang festival ay naitala ang umaabot sa 2 milyong turistang bumisita sa lungsod. Pinakamarami ang dumarating para manood ng street dancing at float parade. Nagbubunsod ang pagdagsa ng turista ng lalo pang pagsigla ng ekonomya ng Baguio City, at nakikinabang ang malalaking negosyante hanggang sa maliliit na vendor.

Ang matagumpay na selebrasyon ng Panagbenga ay pinamamahalaan ng Baguio Flower Festival Foundation, Inc. sa pamumuno ni Anthony de Leon, matapos ipamahala ng city government ang pamamalakad nito sa pribadong sektor.

Incoming search terms:

Translate »
AfrikaansArabicBulgarianAfrikaansChinese (Simplified)Chinese (Traditional)CroatianEnglishFilipinoHindiIndonesianItalianJapaneseKoreaLithuanianMalayPolishRomanianRussianSlovenianSomaliSpanishThaiTurkishUkranianvietnamese
AfrikaansArabicBulgarianAfrikaansChinese (Simplified)Chinese (Traditional)CroatianEnglishFilipinoHindiIndonesianItalianJapaneseKoreaLithuanianMalayPolishRomanianRussianSlovenianSomaliSpanishThaiTurkishUkranianvietnamese