Home » Pagtanaw at Pananaw » HILAMOS

HILAMOS

IGINIGIIT ng Malacañang na dapat bigyan ng taumbayan, mga kritiko at mga dismayadong mahistrado ng pagkakataon si Chief Justice Ma. Lourdes Sereno para patunayan ang kanyang kakayahan sa pagreporma ng Supreme Court. Naniniwala si PNoy at mga kagrupo na kailangang hilamusan ang nadungisang mukha ng Supreme Court. At naniniwala siyang si Sereno ang magiging CAREGIVER ng SC na maglilinis at mag-aalaga upang maibalik ang dangal ng institusyon.

Salamat sa Diyos at hindi malaki ang pinsala ng 7.6 magnitude earthquake na tumama sa Guiaian, Eastern Samar noong isang linggo. Kung sa Indonesia, China, Haiti, Peru at iba pa tumama ang ganitong kalakas na lindol, malamang na libu-libong buhay ang nawala at milyun-milyong piso o dolyar ang pinsala sa mga ariarian, gusali, pananim, lansangan at imprastraktura.

Sinabi ni Guiaian Mayor Anna Liza Kwan, napakaganda ng beaches sa kanyang bayan. Kasing-ganda raw ng Boracay Island dahil ang mga dalampasigan doon ay birhen pa, napakaputi ng buhangin na tiyak na hahangaan ng lokal at dayuhang turista.

Talagang napakasipag ni DFA Sec. Albert del Rosario. Noong Lunes, pumunta siya sa Syria kasama si Usec. Rafael Seguis para alalayan at mapabilis ang pag-uwi ng ating may 1,000 OFW na naiipit sa giyera roon. Ang katulad ni tukayong Sec. Albert ang tunay na asset sa PNoy cabinet, gaya rin ng yumaong DILG Sec. Jesse Robredo, hindi pabigat!