Home » Basketball » Mercado, inalis sa Smart Gilas

Mercado, inalis sa Smart Gilas

Hindi makakasama si Sol Mercado sa kampanya ng SmartGilas Pilipinas sa FIBA Asia Champions Cup sa Setyembre 1422 sa Tokyo, Japan.

Ito ay matapos ilahad ni national coach Chot Reyes ang lineup ng pambansang koponan na magtatangkang masungkit ang isa sa tatlong nakatayang silya para makuwalipika sa FIBA World Cup.

Una sa listahan ang ngayon ay nasa Ginebra San Miguel na si LA Tenorio, naging Most Valuable Player sa matagumpay na kampana ng koponan sa 34th William Jones Cup.

Makakasama nito sina Gabe Norwood at Jeff Chan ng Rain or Shine, Gary David ng GlobalPort, Larry Fonacier at Ranidel De Ocampo ng Talk `N Text, Enrico Villanueva ng Barako Bull, Jay-R Reyes ng Meralco, Sonny Thoss ng Alaska, Filipino-American Matthew Rosser at naturalized center Marcus Douthit.

Nakasama naman ang Talk `N Text forward na si Jared Dillinger bilang natatanging baguhan sa koponan matapos hindi makasama ang Meralco guard na si Mercado na naging ineligible dahil sa bagong inilabas na ruling ng FIBA Asia kontra sa mga foreign-born citizens.

“FIBA doesn’t recognize Sol Mercado’s eligibility when he played for the Asian Games, just like (Marcio) Lassiter and (Chris) Lutz case. Don’t ask me why,“ sinabi ni Reyes sa kayang Twitter account.

Matatandaan na sa nakaraang taon ng FIBA Asia Championship, hindi agad nakalaro sina Lassiter at Lutz dahil sa kinuwestiyon ang kanilang pagiging Filipino-American bago pinayagang maglaro matapos paliwanagan ukol sa batas ng Pilipinas.

Hindi din makakasama sina Mac Barracael ng Alaska at ang dating San Beda sharpshooter na si Garvo Lanete sa koponan dahil tanging pinapayagan lamang ng FIBA Asia Cup ang 12 manlalaro kumpara sa 14 sa Jones Cup. Gayunman, makakasama si Lanete sa Tokyo kasama ang koponan. – Angie Oredo