Wala pang katiyakan kung magkano at kailan ipatutupad ng Manila Electric Company (Meralco) ang refund ng singil sa kuryente.
Ito ang napag-alaman kahapon kay Joe Zaldarriaga, spokesman ng Meralco, kasabay ng paglilinaw na dapat dumaan sa pagdinig ng Enery Regulatory Commission (ERC) kung ano ang pinal na halaga ng refund sa sobrang singil ng Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (PSALM).
Aniya, kailangan ang pinal na halaga pagdating ng aktuwal na pinal na desisyon at sa pagvalidate ng nasabing halaga na P9.1 bilyon kung saan ito ang ipinakitang fi gures kaya hinihintay na lamang pinal na kuwenta.
Kinumpirma rin Zaldarriaga na tuluy-tuloy ang paniningil ng line losses rental ng PSALM na nasa ilalim ng generation charge sa mga Meralco bill hanggang hindi pa natatapos ang pagdinig.
Lumilitaw na ang distrubution charge lang ang napupunta sa Meralco at ang karamihan ng ibang bayarin ay napupunta na sa PSALM at Wholesale Electricity Spot Market (WESM).
Una nang iginiit ng ERC na may aasahang refund ang mga Meralco consumer matapos matuklasan ang naturang double pricing.
Magugunitang 2008 nang unang ipaalam ng Meralco sa ERC ang sobrang nasingil ng PSALM subalit natagalan ang pagdedesisyon ng ahensiya dahil dumaan ito sa maraming pagdinig dahil sa pagkontra ng PSALM. – Jun Fabon

