Muling pinaalalahanan ni Vice President Jejomar C. Binay ang publiko na mag-ingat laban sa kumakalat na panibagong text scam na gumagamit sa kanyang pangalan para sabihan ang mga may-ari ng mobile phone na nanalo sila ng housing unit.
“I would like to reiterate that Office of the Vice President (OVP) is not offering any raffle contest, nor have I authorized any foundation to use my name for any purpose. These text messages are scams,“ sabi ni Binay.
Nanawagan ang bise presidente sa mga nakatanggap o tatanggap ng ganitong mensahe na huwag makipagtransakiyon sa nagpadala ng text message, at agad na i-report ang mensahe sa OVP o sa National Bureau of Investigation (NBI).
“The people sending these messages are unscrupulous individuals who pretend to be government officials in order to swindle people out of their money,” babala ni Binay.
Kabilang sa mga ipinadalang text message nitong weekend ay ganito ang nakasaad: “D/Jejomar Binay Foundation of the Philippines is nforming u dat ur cel# won, in Pabahay ni BINAY 2012! Worth P870,000,000.
DTI-NCR permit #3828s12. Pls. call me now! I’m Atty. Vic A. Villar.” Una nang naaresto ng NBI ang isang lalaking nagpakilala bilang si Binay at nagtangkang mangikil ng P300,000 mula sa isang negosyante, sa pagsasabing ang nasabing halaga ay magsisilbi umanong donasyon sa JC Binay Foundation at ipinadedeposito sa isang bank account. – Bella Gamotea

