Home » Balita » Kakarampot oil price rollback, ipinatupad

Kakarampot oil price rollback, ipinatupad

Matapos ipatupad ang bigtime oil price hike noong nakaraang linggo, nagpatupad naman ng kakarampot na rollback sa ilang produktong petrolyo ang mga kumpanya ng langis sa bansa epektibo simula kahapon ng madaling araw.

Dakong 12:01 ng madaling araw, nagpatupad ng rollback ang mga kumpanyang Petron, Seaoil, Total, Eastern Petroleum, PTT at Pilipinas Shell kung saan tinapyasan nito ng 90 sentimos sa presyo ng kada litro ng unleaded at premium gasoline at 20 sentimos naman sa regular gasoline.

Kinaltasan din ng Shell ng 30 sentimos ang bawat litro ng kerosene.

Hindi naman gumalaw ang presyo ng kanilang ibinibentang diesel na ginagamit naman sa mga pampasaherong jeepney.

Sumunod naman sa rollback ang Unioil kung saan P1.00 ang ibinaba ng quantum at unleaded gasoline.

Ang ipinatupad na oil price rollback ay ibinatay sa pagbaba ng presyuhan ng langis sa pandaigdigang pamilihan. – Bella Gamotea