Home » Balita » May leptospirosis, sasaklawin ng PhilHealth

May leptospirosis, sasaklawin ng PhilHealth

 

Inianunsiyo ni Health Secretary Enrique Ona na ang mga indibidwal mula sa mga lugar na binaha dahil sa habagat at nagkasakit ng leptospirosis ay awtomatikong masasakop ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), kahit hindi sila miyembro nito.

Batay sa PhilHealth Circular 39, series of 2012, ang mga hindi miyembro na naninirahan sa mga lugar na binaha ay pagkakalooban ng benepisyo sa ilalim ng PhilHealth Sponsored Program members/beneficiaries.

Para sa mga hindi miyembro na wala pang 21 taong gulang, na ang kahit sino sa mga magulang ay miyembro ng PhilHealth, ay awtomatikong sakop nito.

Nangangahulugan ito na hindi na sila pagbabayarin ng premiums at ikukonsidera nang miyembro ng PhilHealth mula Agosto 1, 2012 hanggang Hulyo 31, 2013, na may number card. Ang naturang prebilehiyo ay applicable sa lahat ng admission sa Agosto 7-31, 2012.

Nakasaad sa PhilHealth Circular 40 series of 2012 na ang case rate na P11,000 ay babayaran para sa moderate leptospirosis na tinanggap sa mga pagamutan simula Agosto 7, habang ang malala o severe leptospirosis ay maaaring mag-reimburse ng fee para sa serbisyo.

Ang mga Sponsored Program members at beneficiaries naman, kabilang ang 5.2 milyong pinakamahihirap na pamilya na tinukoy ng National Household Targeting System for Poverty Reduction (NHTS-PR) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay sakop ng no balance billing policy.

Batay sa huling datos ng Department of Health-National Epidemiology Center (DoH-NEC), nabatid na may 2,471 kaso ng leptospirosis ang naiulat sa buong bansa mula Enero 1 hanggang Agosto 18 ng taong ito, na 121 na ang nasawi.

Mas mataas ito ng 62 porsiyento kumpara sa 1,522 naitala sa kaparehong panahon noong 2011.

Itinaas na rin ng DOH ang code blue alert sa Metro Manila matapos na makapagtala ng mataas na kaso ng leptospirosis nitong Agosto 5-22 na umabot sa 783 ang naitala at 34 ang namatay. – Mary Ann Santiago

comments
Translate »
    AfrikaansArabicBulgarianCebuanoChinese(Simplified)Chinese(Traditional)CroatianEnglishFilipinoHindiIndonesianItalianJapaneseKoreanLithuanianMalayPolishRomanianRussianSlovenianSomaliSpanishThaiTurkishUkranianVietnamese
    AfrikaansArabicBulgarianCebuanoChinese(Simplified)Chinese(Traditional)CroatianEnglishFilipinoHindiIndonesianItalianJapaneseKoreanLithuanianMalayPolishRomanianRussianSlovenianSomaliSpanishThaiTurkishUkranianVietnamese