Home » Showbiz atbp. » Kambingan festival sa Tuy, Batangas

Kambingan festival sa Tuy, Batangas

 

Kambingan festival sa Tuy, Batangas

SABI sa isang awitin, Kung sa Maynila ka makakakita ng magagandang babae, sa Tuy, Batangas, makakakita ka naman ng magagandang kambing, nakabihis, nakaayos, at magara, na kung tawagin ay Kambing Fashionistas, sila ang isa sa mga inaabangan tuwing sasapit ang Kambingan Festival tuwing ika-12 ng Agosto.

Kasabay ng 146th Foundation Day, isinagawa ang Kambingan Festival, pangatlong taon na sa kasalukuyan na sinimulan nang umupo bilang alkalde si Mayor Jose Jecerell Cerrado noong 2010.

Ayon kay Emannuel Afable, officer-in-charge ng Tourism Office ng Tuy, nagkaroon ng ideya si Mayor Cerrado na pag-ibayuhin ang pag-aalaga ng kambing sa kanilang bayan dahil halos lahat ng magsasaka dito ay may alagang kambing sa likod-bahay.

“Nu’ng naupo siya (Mayor Cerrado) noong 2010, nagsimula na kaming magplano para sa pagpapaalaga ng kambing at nagsimula na rin ang Kambingan Festival taun-taon,“ ayon kay Afable.

Bukod sa Kambing Fashionista Contest, tampok din sa Kambingan Festival ang street dancing at court dancing.

Sa Kambing Fashionista, tampok ang mga binihisang kambing na may nakalaang premyong P200,000 para sa pinakamaganda at pinakafashionistang kambing mula sa mga barangay.

Sa court dancing, kalahok ang mga pampublikong paaralan at may nakalaan ding premyo mula P30,000 hanggang P100,000 sa pinakamahusay na presentasyon na may kaugnayan sa pag-aalaga ng mga kambing.

Iba’t ibang luto rin ng kambing ang matitikman tulad ng kaldereta, adobo, litson, sinampalukan, tapa, tsampene, kilaw at ginataang kambing sa luyang dilaw.

Kasaysayan ng Tuy
Isa lamang ang Tuy (tu-wi) sa mga barangay ng bayan ng Balayan at naging isang bayan noong Agosto 12, 1866. Ang pangalang Tuy ay isinunod sa pangalan ni Don Salvador Ellio na ipinanganak sa Tuy, Galicia, Spain.

Ang Tuy ay napapaligran ng Nasugbu sa norte, Lian sa kanluran at Balayan sa timog-silangan. May 22 barangay, mahigit 12,000 land area, mahigit 40 libong residente, at 3rd class municipality.

Gabay ng mga taga-Tuy ang kanilang patron na si Saint Vincent Ferrer at Nuestra Señora dela Paz.

Unang isinagawa sa Tuy ang Salagubang Peste-val upang maipakita kung paano masusugpo ang salagubang na nagiging peste sa mga pananim na tubo (sugar cane), isa sa mga pangunahing hanapbuhay ng mga mamamayan.

“Dumating ang pagkakataon na wala nang mahuling salagubang kaya pinalitan ng Mamang-os Festival, isang paraan ng pagkain ng tubo, pero nawala na `yung NGO (Non-Government Organization) na nag-organize,“ wika ni Afable.

Nang umupo si Mayor Cerrado, mas nakita ng alkalde ang potensiyal ng hanapbuhay at mas makikilala ang Tuy sa industriya ng pag-aalaga ng kambing.

Sa katunayan, unti unti nang kinikilala ang Mamangos at Kambingan Festival nang makamit nito ang ikaanim na puwesto sa Aliwan Fiesta na ginanap sa Aliwan Theatre noong nakaraang Abril.

Incoming search terms:

Translate »
    AfrikaansArabicBulgarianCebuanoChinese(Simplified)Chinese(Traditional)CroatianEnglishFilipinoHindiIndonesianItalianJapaneseKoreanLithuanianMalayPolishRomanianRussianSlovenianSomaliSpanishThaiTurkishUkranianVietnamese
    AfrikaansArabicBulgarianCebuanoChinese(Simplified)Chinese(Traditional)CroatianEnglishFilipinoHindiIndonesianItalianJapaneseKoreanLithuanianMalayPolishRomanianRussianSlovenianSomaliSpanishThaiTurkishUkranianVietnamese