Home » Balita » Mga sundalo sa relief at rescue operation tinambangan ng NPA

Mga sundalo sa relief at rescue operation tinambangan ng NPA

CAMP NAKAR, Lucena City – Pinaputukan umano ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang mga tauhan ng 9th Infantry Battalion habang patungo sa isang lugar kung saan naipit ang isang komunidad sa matinding baha na kanila sanang tutulungan sa Palanas, Masbate kahapon ng umaga.

Sinabi ni Southern Luzon Command (Solcom) Spokesman Col. Generoso Bolina, nangyari ang pag-atake dakong 6:10 ng umaga habang ang mga sundalo na pinamumunuan ni 1Lt. Gatchitorena ay tutulong sa local disaster management council at mga residente na naipit ng malalim na baha.

Nakipagputukan ang mga sundalo sa mga NPA na tumagal ng halos 18 minuto. Isang rebelde ang nasawi sa engkwentro kung saan nabawi ng mga tropa ng pamahalaan ang isang M16 rifl e, isang M14 rifle at dalawang landmine.

Bago nangyari ang engkwentro, inalerto ni Col. Felix Castro, commanding officer ng 903rd Infantry Brigade si Lt. Col. Jun Pacatan ng 9th Infantry Battalion sa posibleng pagsasagawa ng disaster at relief operation sa kani-kanilang nasasakupang lugar dahil sa walang humpay na ulan. – Danny Estacio