Ni Kris Bayos/ Manila Bulletin
Dalawampu’t dalawang overseas Filipino worker (OFW) sa loob ng Saudi deportation center at kulungan ang nagsusumamo sa gobyerno na mapauwi sa bansa.
Ayon kay Migrante-Middle East Regional Coordinator John Leonard Monterona, 16 na kababaihang OFW sa Dammam Deportation Center at anim sa Dammam Central Prison ng Saudi Arabia ang nagpadala ng liham sa Filipino Migrants Group at humihingi ng tulong na makauwi sa bansa.
Isa sa mga OFW ay may dalawang anak sa loob ng deportation cell, at buntis naman ang isa pa.
Naiparating ang hinaing ng mga nasabing OFW nang magbigay sila ng liham sa isa sa mga kaanak ng OFWs na bumisita sa kulungan.
Nakapaloob sa liham ng mga OFW: “Sa darating na State of the Nation Address ni Pangulong Aquino, sana po makauwi na kaming lahat dito sa deportation center ng Dammam. Kaming mga OFW na nandito ngayon na nakakulong sa Dammam Deportation Center ay nagmamaka-awa kaming humihingi ng proteksiyon, assistance, at tulong.”
Ayon sa mga OFW, mula nang mapasok sila sa kulungan ay walang anumang tulong ang kanilang natanggap mula sa gobyerno.
Anila, walang nag-aasikaso sa kanilang mga papeles, gaya ng travel document, walang dumadalaw na taga-embahada at POLO-OWWA, walang gamot at pagkain mula sa gobyerno ng Pilipinas.
“Most of OFWs have pending absconding cases after fleeing away from their erring employers due to abuses and labor rights violations. Most of them eventually became undocumented or illegal overstayers,” sabi ni Monterona.
Sinabi ni Monterna na walang systematic at comprehensive program ang gobyerno para mapabuti ang kalagayan ng mga OFW.
Kaugnay nito, nanawagan ang Migrante kay Vice President Jejomar C. Binay, presidential adviser on OFW concerns, na iparating kay Pangulong Aquino ang abang kalagayan ng mga OFW sa Dammam. – Nannet Valle

