Ni Bella Gamotea
Agad na naglagak kahapon si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ng P1 milyong piyansa para sa pansamantalang paglaya nito sa kasong electoral sabotage na isinampa ng Commission on Elections (Comelec) sa Pasay City Regional Trial Court (RTC).
Ito ay makaraang paboran ni Pasay RTC Branch 112 Judge Jesus Mupas ang petition for bail na inihain ng kampo ng dating Pangulo at itinakda ang P1 milyong pisong piyansa matapos pagdudahan ng korte ang testimonya ni Engineer Norie Unas, dating administrador ng mga Ampatuan sa Maguindanao at testigo naman ng Comelec.
Bukod rito, hindi rin umano sapat ang mga ebidensiyang nag-uugnay kay Arroyo sa sinasabing nangyaring dayaan noong 2007 elections.
Una ng sinabi ng Comelec na mahalaga ang testimonya ng kanilang testigong si Unas dahil siya ang mag-uugnay kay dating Pangulong Arroyo sa akusasyong conspiracy sa iba pang akusadong sina dating election supervisor Lintang Bedol at dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr. para madiin sa kasong electoral sabotage.
Ikinagulat naman ni Comelec Commissioner Sixto Brillantes ang desisyon ng Pasay RTC na payagang makapagpiyansa si Arroyo. “Ganun kabilis. Kinakabahan ako at bakit nagmamadali si Judge (Mupas),” pahayag ni Brillantes.
Handa naman, aniya, ang Comelec maghain ng motion for reconsideration hinggil sa naging desisyon ni Mupas.

