Home » UAAP » Tigresses, bigo sa Lady Tamaraws

Tigresses, bigo sa Lady Tamaraws

Inungusan ng defending champion Far Eastern University ang University of Santo Tomas, 58-52, upang simulan ang kanilang title defense sa pagpapatuloy ng aksiyon sa UAAP Season 75 women’s basketball tournament kahapon sa Smart-Araneta Coliseum.

Buhat sa dikdikang laban sa first canto na nagtapos sa iskor na 15-11 pabor sa Lady Tamaraws, nilimitahan nila sa 7 puntos lamang ang Tigresses sa second period para layuan sa pagtatapos ng first half, 26-18.

Mula doon ay hindi na bumitaw sa liderato ang Lady Tamaraws para maiposte ang unang tagumpay.

Pinangunahan ni Camille Sambilo ang naturang panalo sa kanyang itinalang 24 puntos, 5 rebounds, 2 steals at 1 block habang nag-ambag naman ang kakamping si Allana Lim ng 7 puntos at 13 rebounds.

Sa kabilang dako, nanguna para sa losing cause ng UST sina Lore Rivera at Marian Mejia na nagtala ng 13 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Samantala, sa isa pang laban, naupset naman ng De La Salle University ang nakaraang taong losing finalist na Adamson, 60-52.

Nanguna para sa Lady Archers si Trisha Platos at Aracelie Abaca na kapwa umiskor ng tig-17 puntos. – Marivic Awitan