Home » Balita » Cha-cha isama sa SONA

Cha-cha isama sa SONA

Ni Leonel Abasola

Umaasa si Sen. Gringo Honasan na babanggitin ni Pangulong Benigno Aquino III sa kanyang State of the Nation Address (SONA) sa Lunes ang pagsusulong ng Charterchange o pag-amyenda sa 1987 Constitution kahit na walang balak ang Malacañang na isulong ito.

“I hope this (Cha-cha) will be mentioned in the SONA of the President,” pahayag ni Honasan.

Suportado ng senador ang isinusulong ni Senate President Juan Ponce Enrile and House Speaker Feliciano Belmonte na pag-usapan ang posibilidad na masimulan na ang pagsisilip sa ilang probisyon ng Konstitusyon sa pagbubukas ng third regular session ng 15th Congress.

“I believe that the Senate President is correct that we should start now the talks about the amending the Constitution particularly the economic provisions,” aniya pa.

Bukod kay Enrile at Honasan, suportado rin ni Sen. Edgardo Angara ang pag-amyenda sa Saligang Batas ngunit hindi lang dapat aniya nakasentro sa economic provisions ang babaguhin kundi maging sa political structures nito.

Si Sen. Miriam Defensor-Santiago ay pabor sa pag-amyenda sa ilang probisyon ng Constitution ngunit dapat aniyang gawin ito pagkatapos ng 2013 midterm elections at budget deliberations na magsisimula na sa susunod na buwan.