Home » Probinsya » Barkong nagtapon ng residual waste sa Sarangani Bay kinasuhan na

Barkong nagtapon ng residual waste sa Sarangani Bay kinasuhan na

Apat na kasong kriminal ang isinampa ng Local Government Unit (LGU) ng Glan, Sarangani Province sa tugboat at barge na Oceana 1 at Oceana 2 na nagtapon ng residual waste ng coal sa Sarangani Bay.

Ayon kay Glan Mayor Victor James Yap Sr., ang mga kaso ay pormal nang isinampa sa korte matapos lumabag ang mga tripulante sa Clean Water Act, pagtapon ng waste materials sa protected sea scape, hindi pagbayad ng docking fee at kabiguan na ipaalam ang pagpasok ng Malaysian registered vessels sa Sarangani Bay.

Dagdag pa ni Yap, natapos na noong Sabado ang kanilang ibinigay na deadline para bayaran ang P6 milyon na danyos.

Una rito, nagpadala ng sulat si Yap sa kumpanya pero walang sagot na natanggap.

Dahil dito, nagpadala muli ang LGU ng final letter pero hindi pa rin sumagot ang kumpanya kaya nagdesisyon sila na isampa na ang kaso.

Binabalak din ng LGU na magsasampa ng P20 million na civil case.

Ang Malaysian registered vessel ay nananatili sa ngayon sa Glan, Sarangani Province. – Beth Camia