LOS ANGELES (AP) – Magsasagupa ang Miami Heat at Los Angeles Clippers sa dalawang preseason games sa China.
Nakatakdang magharap ang dalawang koponan sa MasterCard Center sa Beijing sa Oktubre 11 at sa Mercedes Benz Arena sa Shanghai sa Oktubre 14. Ito ang unang beses na maglalaro ang kasalukuyang NBA champion sa NBA China Games na nasa ikaanim na edisyon na ngayon.
Walong koponan mula sa NBA ang magpapakitang gilas sa darating na Oktubre bilang bahagi ng preseason schedule ng liga.
Maglalaro ang Dallas Mavericks sa Barcelona at Berlin habang ang Boston Celtics naman ay maglalaro sa Istanbul at Milan. Makakatapat nila ang iba’t ibang Euroleague teams.
Ang Toronto Raptors at New York Knicks ay nakatakdang maglaro sa Montreal, habang ang Minnesota Timberwolves at Detroit Pistons naman ay maghaharap sa Winnipeg.
Noong 2004, ang NBA ang unang American professional sports league na nakapaglaro sa China kung saan nagtapat ang Houston Rockets at Sacramento Kings sa dalawang exhibition games.

