Home » Punto for Punto » PARTIHAN

PARTIHAN

Nakita na ninyo, lumitaw ngayon na totoo ang noon pa ay tinatalakay na ng kolumnistang ito tungkol diyan sa PARTY-LIST. Na iyang Party-list na iyan ay babuy-na-baboy. Na ang tunay na ibig sabihin ng Party-list ay “Listahan ng PARTIHAN“ ng ilang salaula diyan sa Comelec. Di lumitaw na nga ang totoo. Gusto diumanong ipaimbistiga sa Kongreso ng isang Party-list Congressman ang umalingasaw na usap-usapan na suhulan ng diumano’y mga fixer sa Comelec. Ang nagpapaimbestiga ay si Rep. Neri Colmenares ng Bayan Muna. Matagal nang dapat na ginawa iyan.

Kung hindi pa lumutang ang isang pahayag ni Danton Remoto ng Party-list na Ladlad ay hindi pa sisingaw ang kabulukang ito. Na diumano, isang fixer at mga abugado ng Comelec ang lumapit sa kanya noon at sinasabing kaagad na mabibigyan ng sertipikasyon ang Ladlad kung “magladlad“ siya ng milyong piso.
At pinatunayan din ito ng isa pang cosmetic surgeon na nagngangalang Joel Mendez, na isa namang accredited nang Party-list group ang nag-alok sa kanya para manomina sa halagang 5 milyon para maging 2nd nominee at 2 milyon para maging 3rd nominee.

Ang totoo, matagal nang binababoy iyang Party-list na iyan, at hanggang ngayon ay patuloy pang binababoy. Ngayon ay tambak na ang naghahangad na ma-accredit diyan na kung anu-anong grupo. Grupo ng mga lasinggero at adik, grupo ng mga basurero at sabungero, grupo ng mga kutsero at kung anu-ano pa na kapag pinalad na manalo, ang nagiging kinatawan ay mga anak naman ng mga pulitiko at mga milyonaryo na hindi naman kabilang sa Party-list na kinatawan.

Maganda nga sana ang layunin ng Party-list kung talagang masusunod.
Ang talagang layunin nito ay para mabigyan ng representasyon sa ating Kongreso ang tinatawag na marginalized group. Kaya lang, hindi ganyan ang nangyayari. Ginagawang hagdanan iyan ng mga pulpol na pulitiko at mayayamang gustong magkaroon ng tungkullin ng walang kahirap-hirap kung hindi ang magbayad o gumastos. Ang dapat na talaga ay buwagin na ang Party-list na iyan o kung hindi man ay piliin na lamang ang talagang karapat-dapat tulad halimbawa ng “Agham“, Bayan Muna o Gabriela. Iyong iba, ibasura na para tuminu-tino naman ang ating bayan.