Ni Marivic Awitan
Itataya ngayon ng Jose Rizal University ang kanilang malinis na baraha at solong pamumuno sa kanilang pagsagupa sa San Sebastian College sa seniors division ng 88th NCAA basketball tournament sa Fil-oil Flying V Arena sa San Juan City.
Nasolo ng Heavy Bombers ang pamumuno sa hawak na 3-0 baraha, matapos na mabigo ang defending champion San Beda College sa University of Perpetual Help, 88-87, noong nakaraang Huwebes sa kanilang ikatlong laro.
Ang naturang panalo ang una ng Altas kontra Red Lions mula nang huli nilang talunin ang huli noong nakaraang Agosto 19, 2005.
“This will be our biggest test so far,“ pahayag ni JRU head coach Vergel Meneses na tinutukoy ang nakatakdang pakikipagtuos sa Stags sa ganap na alas6:00 ngayong gabi matapos ang unang tatlong panalo kontra Mapua, Arellano at Emilio Aguinaldo College.
Ayon kay Meneses, kung makakalusot sila sa Stags, magiging malaking pagsulong ito sa morale ng kanyang mga player para sa kanilang kampanya at hangad na makapasok sa `Final Four’ round.
“Alam naman natin na isa sa mga paborito ang San Sebastian at isa sa mga mabibigat na teams dito sa NCAA kaya dapat talaga naming paghandaan,“ ayon kay Meneses.
Sa panig naman ng Stags na ngayo’y kasalo ng Red Lions sa ikatlong puwesto (2-1) sa likuran ng pumapangalawang Perpetual na may kartadang 3-1 (panalotalo), halos hindi nagkakalayo ng pananaw sina Meneses at coach Topex Robinson hinggil sa nakatakda nilang pagtatapat.
Ayon kay Robinson, galing sa pagpigil sa nasimulang pagratsada ng College of St. Benilde at Perpetual Help, paghahandaan din nilang mabuti ang JRU dahil isa ito sa mga itinalagang paborito sa pagsisimula ng liga.
Inaasahan din ni Robinson na makababalik na sa kanyang dating laro ang isa sa kanyang mga key player na si Ronald Pascual na hindi gaanong nakatulong sa kanilang team sa una nilang tatlong laban.
Una rito, target naman ng Lyceum of the Philippines University ang kanilang ikatlong sunod na panalo sa pagsagupa nila sa Arellano University sa unang seniors match sa ganap na alas-4:00 ng hapon matapos ang unang dalawang laro sa seniors kung saan magtutuos ang Lyceum Junior Pirates at ang Arellano Baby Chiefs sa ika-12:00 ng tanghali at ang San Sebastian Staglets at ang JRU Light Bombers sa ganap na alas-2:00 ng hapon.
Matapos ang unang tatlong dikit na kabiguan, nakabalikwas ang Pirates at nagtala ng dalawang sunod na panalo kontra EAC Genertals at Mapua Cardinals.
Tiyak ding magiging dikdikan ang labanang ito dahil hangad naman ng Chiefs na madugtungan ang nasumpungang unang panalo matapos ang unang tatlong sunod na talo nang pataubin ang host Letran Knights, 77-67, noong nakaraang Hulyo 7.

