BANDANG alas-8:34 kamakalawa ng gabi nang pormal na ideklarang pumanaw na si Dolphy, pagkaraan ng isang buwang pananatili sa Makati Medical Center.
Ang King of Philippine Comedy ay namayapa 15 bago sumapit ang kanyang ika-84 na taong kaarawan sa Hulyo 25.
Namaalam si Dolphy habang nasa tabi ang kanyang long time partner na si Zsa Zsa Padilla at ilan sa kanyang mga anak.
Sa statement ng Makati Medical Center, binawian ng buhay ang aktor dahil sa “multiple organ failure.”
“We would like to inform the public that Mr. Rodolfo “Dolphy” Quizon, passed away today, at 2034H (8:34PM) due to multiple organ failure, secondary to complications brought about by severe pneumonia, chronic obstructive pulmonary disease, and acute renal failure.”
Kaagad na nagpaabot ng pakikiramay si Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa pagpanaw ni Dolphy.
“Binago niya hindi lamang ang kanyang industriya, kundi maging ang pambansang kamalayan: sa pamamagitan ng kanyang sining, pinalawak ni Dolphy ang ating pananaw, at binigyan tayo ng kakayahang suriin, pahalagahan, at hanapan ng ngiti ang mga pang-araw-araw na pangyayari sa buhay ng bawat Pilipino,” bahagi ng statement ng Pangulong Aquino. “Ang pagpanaw ni Rodolfo Quizon Sr. — ang nag-iisang Hari ng Komedya — ay tiyak na nagdudulot ng lumbay sa isang bansang matagal niyang pinasaya.”
Una rito, muling naging maselan ang kondisyon ng kalusugan ni Dolphy matapos itong dapuan ng kanyang pang-12 pneumonia.
Iniulat nitong mga nakalipas na araw na bumubuti ang kanyang kondisyon kaya panay ang kanyang hirit na “umuwi na” bagama’t walang lumalabas na boses.
Kamakalawa ay isinailalim uli sa dialysis at iba pang tests ang hari ng komedya habang.
Napag-alaman din na humiling ang pamilya na sa bahay na lamang ituloy ang treatment kay Dolphy subalit hindi ito pinagbigyan ng kanyang doktor.
Sa halip ay inabisuhan siya na magpahinga lang nang husto.
Isinilang sa amang mekaniko at mananahing ina sa Tondo, Manila, pangalawa sa 10 magkakapatid, nagsimulang maghanapbuhay sa pagtitinda ng mani at butong pakwan, naging shoeshine boy, at naging pinakasikat na komedyante sa Pilipinas.
Noong November 2010, ipinagkaloob ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang Grand Collar of the Order of the Golden Heart kay Dolphy.
Ang nasabing award ay ang pinakamataas na pagkilala na ibinibigay ng Pangulo sa isang pribadong mamamayan.
Ngayon ay maraming fans ang nagpapanukala na unahing kilalanin si Dolphy bilang National Artist.
Maging si Dolphy ay umamin na hangad niyang gawaran ng National Artist dahil kakaiba at ultimate ito kumpara sa iba pang mga pagkilala.
Pero nilinaw naman ng ilang opisyal na walang kinalaman ang Kongreso at maging ang Malacañang sa paggawad ng National Artist dahil nakaatang ito sa balikat ng Cultural Center of the Philippiens at National Commision for Culture and Arts (NCCA).
Kahapon ay ibinurol ang mga labi ni Dolphy sa Heritage Memorial Park sa Taguig City, na ang lamay ay exclusive para sa kanyang pamilya at malalapit na mga kaibigan. Dinala ang kanyang mga labi sa Dolphy Theater ng ABS-CBN, at nanatili roon simula 1:00 PM hanggang 3:00 AM. Ang public viewing ay nagsimula ng 9:00 PM.
Simula ngayong araw hanggang Sabado, ang wake kay Dolphy ay ibubukas for public viewing simula 8:00 AM hanggang 3:00 PM, sa Heritage Memorial Park.
Sa Linggo ang kanyang libing.

