Home » Boxing » Liberty Medal, igagawad kay Ali

Liberty Medal, igagawad kay Ali

Nakatakdang tumanggap ang boxing icon na si Muhammad Ali ng 2012 Liberty Medal na galing sa National Constitution Center.

Ang nasabing parangal ay taunang ipinagkakaloob ng grupo para bigyan parangal ang isang kampeon ng kalayaan.

Ang 70-anyos na dating world heavyweight champion ay inalisan ng kanyang titulo at hindi na pinayagang makapagboksing sa kasagsagan ng kanyang boxing career dahil sa kanyang pagtangging lumahok sa US Army
at lumaban sa noon’y nagaganap na Vietnam War noong 1967.

Ang nasabing kaparusahan ay binaligtad naman ng US Supreme Court noong 1971 at sinabing ang pagtanggi ni Ali ay nag-ugat buhat sa kanyang paniniwalang pangrelihiyon kaya naman nagawa nitong mabawi ang
kanyang titulo bago tuluyang magretiro noong 1981.

Si Ali na nagwagi ng Olympic boxing gold medal noong 1960 Rome Olympics ay nakatakdang gawaran ng nasabing parangal sa isang seremonyas na gaganapin sa Independence Mall sa Philadelphia sa Setyembre 13.

“Ali embodies the spirit of the Liberty Medal by embracing the ideals of the Constitution — freedom, self-governance, equality, and empowerment — and helping to spread them across the globe,” pahayag ni dating US President Bill Clinton na siyang chairman ng naturang center.

Magmula nang matapos ang kanyang boxing career, nagtrabaho si Ali para sa civil rights sa pamamagitan ng pagsali sa mga goodwill at humanitarian missions sa mga bansang Lebanon, Cuba, Afghanistan, Iran, South Africa, Iraq at North Korea.

“For more than half a century, Ali has been committed to fighting for peace, justice and civil rights for all in the spirit of this award,” ayon naman kay Philadelphia Mayor Michael Nutter.

Ang medalya ay unang iginawad noong taong 1989 at kabilang sa mga nabigyan na nito ay ang mga kilalang personalidad na gaya nina Clinton, rock singer Bono, dating South African President Nelson Mandela, dating US President Jimmy Carter, movie director Stephen Spielberg at dating British Prime Minister Tony Blair. – Marivic Awitan

Incoming search terms: