Nina Jun Fabon at Mary Ann Santiago
Umapela ang ang mga private prosecutor sa Maguindanao Massacre kay Pangulong Noynoy Aquino at sa Philippine National Police (PNP) na tiyakin ang seguridad ng mga testigo sa kaso, sila man ay saklaw o hindi ng Witness Protection Program (WPP).
Iginiit ni Atty. Harry Roque na kinakailangang makialam na si Pangulong Aquino para maprotektahan ang mga testigo kasunod ng pagkakapatay sa napipisil na maging testigo ng prosekusyon na si Menjie Nangulamas Ubpon sa Shariff Aguak.
Si Ubpon ang ikaapatna piñata na testigo sa Maguindanao massacre.
Kamakailan lamang, natagpuan sa Maguindanao ang putul putol na bahagi ng katawan ng testigong si Esmail Amil Enog.
Nababahala naman si Atty. Nena Santos namagpapatuloy pa ang mga pagbabanta sa mga testigo hanggang hindi pa naaaresto ang lahat ng mga suspek sa krimen. Nanawagan siya sa PNP na arestuhin ang mga nalalabing suspek sa masaker na nakakalaya pa rin.
Labis na ikinalulungkot ng mg obispo ng Simbahang Katoliko ang unti-unting pagpatay sa mga testigo sa masaker.
Ayon kina Lipa Archbishop Ramon Arguelles, Marbel Bishop Dinualdo Gutierrez at Puerto Princesa Palawan Bishop Pedro Arigo, ang pagkakapaslang sa tatlong testigo ng Maguindanao ay indikasyon ng palpak na justice system sa bansa.
Sinabi ni Arguelles na ang pagkakapaslang sa mga testigo ay patunay din kung gaano kahina ang mga awtoridad para protektahan ang mga ito.
Naniniwala si Arguelles na lalong tatagal ang pagkamit ng katarungan sa mga biktima ng masaker dahil tiyak na matatakot nang lumantad ang iba pang testigo dahil sa pangamba sa kanilang buhay.
Nananawagan si Arguelles sa mga kinauukulan na tutukan ang problemang ito upang tuluyan nang makamtan ng mga kamag-anak ng mga biktima ang katarungan na matagal na nilang inaasam.
Iginiit naman ni Arigo na kailangan nang i-overhaul ang justice system sa bansa para mabilis na makamit ng mga biktima ng krimen ang katarungan at hustisya.
Inaasahan naman ni Gutierrez ang pagpaslang sa mga testigo ng Maguindanao massacre.
“Mahina ang ating mga awtoridad, justice system. Ano pa ang aasahan natin?“ pahayag ni Gutierrez sa panayam ng Radio Veritas.

