Home » Balita » Fixed salary sa mga driver, konduktor ng bus, magsisimula ngayon

Fixed salary sa mga driver, konduktor ng bus, magsisimula ngayon

Ni Mina Navarro

Kinumpirma ng Department of Labor and Employment (DoLE) na s simula ngayong araw, Hulyo 1, makakatanggap na ng buwanang sahod o fixed salary ang mga driver ng bus at konduktor sa kanilang mga employer.

Ayon kay Labor Secretary Rosalinda Baldoz, obligado na ang mga kumpanya ng bus na sumunod sa Department Order (DO) No. 118-12 na inilabas noong Enero 13, 2012 na nagkakaloob ng tamang pasahod sa mga driver at konduktor.

“All bus operators or owners nationwide are duty-bound to comply with it starting July 1,” pahayag ng kalihim.

Binalaan ng kalihim ang mga mayari ng bus na sumunod o mahaharap sa kaukulang parusa.

Bawat bus driver at konductor na permanente, kontraktuwal, reliever o mga binabayaran ang bawat biyahe base sa boundary system ay sakop ng patakarang ito kung saan ang mga bus operators o kumpanya na may hawak na Certificate of Public Convenience (CPC) na inisyu ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ay kailangan tumupad.

Sa ilalim ng kautusan, ang bawat driver at konduktor ay may karapatan sa sahod sa lahat ng aktuwal na trabaho sa panahon ng normal na trabaho ilang oras at araw na hindi bababa sa minimum wage rates. Ang sahod ay babayaran isang beses kada dalawang linggo o dalawang beses na may pagitan na hindi lalagpas sa 16 araw.

Kailangan bayaran sila ng holiday pay na 100 % ng minimum wage kahit hindi pumasok sa trabaho at 200 porsiyento kung oobligahing magtrabaho sa panahon ng bakasyon.

Sila ay may karapatan bigyan ng isang araw na pahinga sa 24 magkasunod na oras tuwing anim na araw ng trabaho. Kung oobligahing magtrabaho sa araw ng pahinga, karagdagang 30 percent ng minimum basic wage ang ibabayad sa kanila.

Ang overtime pay ay may katumbas na 25 percent ng basic wage sa mga ordinaryong araw at 30 percent sa regular holidays, special days at rest days ng trabaho na hindi hihigit sa walong oras kada araw.

Ang mga panggabi ay babayaran ng karagdagang 10 porsiyento ng arawang sahod, ang magtatrabaho sa pagitan ng 10 ng gabi hanggang 6:00 ng umaga kinabukasan ay babayaran ang service incentive leave ng limang araw kada taon ng serbisyo.

Kailangan din silang bigyan ng 13th month pay alinsunod sa Presidential Decree No. 851, na may karapatan ang isang empleyado na tumanggap ng halagang may katumbas na 1/12 ng kabuuang basic salary na kinita sa isang taon na hindi lalagpas sa Disyembre 24 ng bawat taon.