Sisimulan ngayon ng reigning titlist San Beda College ang pagdidepensa sa kanilang hawak na titulo sa juniors at seniors division sa pagpapatuloy ng aksiyon sa 88th NCAA basketball tournament sa San Juan Arena.
Unang sasabak ang Red Cubs sa ganap na alas-12:00 ng tanghali kontra sa Arellano University Baby Chiefs bago ang Red Lions sa ganap na alas-2:00 ng hapon sa nag-iisang seniors match kontra Arellano Chiefs.
Ngunit taliwas sa inaasahan, sa pagkakataong ito ay hindi pinapaboran ang Red Lions kontra Chiefs dahil sasalang sila na mayroon lamang anim na player matapos na mapatawan ng suspension ang siyam sa kanilang mga manlalarong nasa roster sa taong ito sa pangunguna ng Nigerian na si Olaide Adeogun.
Katunayan, apat na laro ang suspensiyon sa Nigerian na ngayon pa lamang sasabak sa aksiyon sa liga matapos na masangkot sa gulo noong nakaraang taon kung saan ay napatawan naman ng ban ang dati nilang coach na si Frankie Lim at ang volleyball coach ng San Sebastian College na si Roger Gorayeb.
Bukod kay Adeogun, ang iba pang magsisilbi ng kanilang one-game suspension ay sina Rome dela Rosa, Jake Pascual, Kyle Pascual, Melo Lim, Ryussei Koga, Anjo Caram, Baser Amer at Dave Moralde.
Ang anim na players na makakapaglaro lamang para sa una nilang laro ay sina dating juniors standouts, Francis Abacar at Antonio Bonsubre, Arthur dela Cruz, Ivan Ludovice, Christian Moralde at Richie Villaruz.
“Wala akong magagawa, nandiyan na iyan at iyan ang nadatnan ko. Siguro ganoon na lang ang gagawin ko, ipiprepare ko na lang at papraktisin iyong anim na player kong natira para sa first game namin,” pahayag ng bagong Red Lions coach na si Ronnie Magsanoc.
Samantala, sa dalawa pang juniors match, magtutuos naman ang San Sebastian Staglets at Letran Squires sa ikatlong laro sa ganap na alas-4 ng hapon habang magtatapat sa tampok na laban sa ganap na alas-6:00 ng gabi ang Mapua Red Robins at JRU Light Bombers.

