TALAVERA, Nueva Ecija – Muling napanatili ng Bureau of Internal Revenue (BIR) District Office No. 23-A sa Talavera ang pagiging ikatlo sa may pinakamasisiglang koleksiyon ng buwis sa Gitnang Luzon, nang malampasan ang target goal nito sa unang anim na buwan ng 2012.
Batay sa record ng BIR-North, umaabot sa P264,173,669.05 ang koleksiyon ng tanggapan gayong P249,098.000.00 lamang ang target goal para sa Enero hanggang Hunyo ngayong taon, alinsunod sa itinakda ng Department of Finance (DOF)-Nueva Ecija para sa unang anim na buwan ng taon.
Ang nakolektang buwis ay tumaas ng 6.05 porsiyento, mas mataas ng P15,075,699.05 kumpara sa P6,811,977.56.
Sa panayam ng Balita mula kay Dr. Elmer A. Paderes, Ph.D., revenue district officer ng BIR-North 23-A, ang buwis ay nakolekta mula sa una at ikalawang congressional district na kinabibilangan ng San Jose City, Science City of Muñoz, Aliaga, Carranglan, Cuyapo, Nampicuan, Guimba, Llanera, Lupao, Pantabangan, Quezon, Rizal, Sto. Domingo, Licab, Talavera, Talugtog at Zaragoza. – Light A. Nolasco

