Ni Fer Taboy
Nangangailangan ngayon ng mga doctor, nurse, abogado, pari at iba pa ang Philippine National Police (PNP) upang punan ang kakulangan ng kanilang National Support Units.
Nangangailangan ngayon ang PNP ng mahigit 75 professional na gustong pumasok bilang Police Commissioned Officers para sa mga bakanteng posisyon.
Ayon kay PNP spokesman Senior Superintendent Generoso R Cerbo Jr. ng PNP Directorate for Personnel and Records Management (DPRM), nagsasagawa sila sa ngayon ng panibagong proseso sa Lateral Entry screening upang punan ang mga bakante para sa technical service officers sa National Support Units ngayong taon.
Nangangailangan ang PNP ng apat na abogado, para sa PNP Legal Service; siyam na Commel officers para sa Communication and Electronics Service; 12 Medico-Legal Officers at 20 Forensic & Chemical Officers para sa PNP Crime Laboratory; dalawang piloto para sa Special Action Force; isang pari sa Chaplain Service; at 12 Medical Officers at 15 Nurses sa PNP Health Service.
Ang matatanggap na aplikante ay maitatalaga na may ranggong Police Inspector na may buwanang sahod na P32,341.00.
Ang mga matatanggap na doctor, abogado at pari at bibigyan ng ranggong Police Senior Inspector na may buwanang suweldo na P35,312.00.
Ipinaliwanag ni Cerbo na ang PNP ay may 98 bakanteng posisyon para sa technical service officers sa PNP National Support Units.
Sa kasalukuyan ay mayroon pa lamang 23 aplikante na sumasailalim sa proseso ng Lateral Entry at may mahigit na 75 bakante ang kailangan ng PNP para sa Technical Service Officers.
Ang mga aplikante ay sasailalim sa mandatory Written Competitive Examination (WCE) at Physical/Medical/Dental Examinations (PMDE).
“We want to have as much qualified applicants as possible, in order to have wider range of selection, because we want to get only the best and most qualified officers for the job,” pahayag ni Cerbo.

