Home » Volleyball » Tigresses, todo handa sa Stags

Tigresses, todo handa sa Stags

Sasagupain ng University of Santo Tomas ang San Sebastian College habang haharapin naman ng defending champion Ateneo de Manila ang NCAA titlist University of Perpetual Help sa pagsisimula ng Final Four round ng Shakey’s VLeague Season 9 first conference sa San Juan Arena.

Hangad ang kanilang ikapitong korona sa liga, target ng Tigresses na wakasan na ang kanilang tatlong taong pagkauhaw sa kampeonato sa pagsagupa nila sa Lady Stags sa ganap na alas-2:00 ng hapon.

Nagbalik buhat sa dalawang taong “leave,“ sisikapin ng UST na makaulit sa San Sebastian na una nilang winalis sa kanilang unang pagtatagpo sa eliminations.

Pinangungunahan ng kanilang power hitting Thai resident import na si Jeng Bualee, kasama ang locals na sina Joy Benito, Ara Mallare, libero Mae Crisostomo at local guest player at setter na si Rubie de leon, nakahanda naman ang Lady Stags na hadlangan sila.

Puno ng mga talento sa kanilang roster, sa pangunguna nina dating league MVP Mary Jean Balse, Judy Anne Caballejo, Maruja Banaticla, Maika Ortiz, setter Rhea Dimaculangan at Thai guest player Utaiwan Kaensing, bahagyang pinapaboran ang UST kontra sa San Sebastian sa kanilang nakatakdang pagtatapat sa ganap na alas-2:00 ng hapon.

Samantala, itataya naman ng Lady Eagles ang kanilang “unbeaten slate“ mula sa eliminations hanggang quarterfinals sa kanilang duwelo ng Lady Altas sa ganap na alas-4:00 ng hapon.

Muling sasandigan ni coach Roger Gorayeb sina Alyssa Valdez, Fille Cainglet, Angeline Gervacio, Gretchen Ho, setter Jem Ferrer at guest players na sina Suzanne Roces at Thai Lithawat Kesinee para sa target nilang ikalawang titulo habang tatapatan naman sila ng mga pangunahing manlalaro ni coach Mike Rafael na sina Thai reinforcement Pornpimol Kunbang, locals na sina Norie Diaz, April Sartin, Sandra delos Santos, Honey Tubino at setter Shrrya Cabriana. – Marivic Awitan