Home » Punto for Punto » SIN TAX

SIN TAX

Okay na pala sa Kongreso ang panukalang-batas na magtataas ng buwis sa tinatawag na “sin products”. At ang produktong ito ay ang sigarilyo at alak. Sa bill na ito ay maraming natuwa pero marami rin ang naiyak. Unang natuwa sa batas na ito ay ang gobyerno dahil sa siguradong malaki ang iaakyat nito sa kabang-yaman ng bansa. Minamantak mong mag-aakyat diumano ito sa bansa ng hanggang 33 bilyon taun-taon?

Anak ng mag-asawang tipaklong. Ang dami na namang madudugas ng mga corrupt nating mga opisyal ng gobyerno. At ang magsisiatungal sa lungkot ay ang mga adik sa alak at lulong sa paninigarilyo.

Aba, mantakin mo ang magiging presyo ng mga “agua-de-pataranta” ay baka umabot sa langit, gayon din ang presyo ng mga sigarilyo? Paano na kaya ang mga lasinggero at mga chain smoker? Marami pa naman sa ating mga kababayan na hindi baling hindi kumain basta makalaklak lamang ng alak at makahithit ng sigarilyo. Malulungkot din siyempre pa ang mga magsasaka na ang itinatanim ay tabako. Baka hindi na mabili ang kanilang mga tanim.

Maraming talagang maaapektuhan ang batas na ito. Maaaring magbawas ng mga trabahador ang mga kompanya ng sigarilyo at mga kompanyang gumagawa ng alak. Madaragdag sila sa hukbo ng mga naghahanap ng trabaho kapag nagkataon.

Pero siyempre pang bukod sa pag-akyat ng kita ng gobyerno ay maaari ring makapagtipid ang mga maninigarilyo at mga lasinggero. Ang mga maninigarilyo ay baka mabawasan ang paninigarilyo at baka dumalang din ang pagtoma ng mga lasinggero. Sana nga.

Pero ang nakapangangamba sa batas na ito kapag naipatupad na ay ang pagsasamantala ng ating mga “salaulang” kababayan. Maaaring maulit na naman ang nangyari noon na kabi-kabilang pagpupuslit o smuggling ng sigarilyo at alak. Sa BOC o Bureau of Customs ay magsisipagpista na naman ang mga ismagler hindi ng mga karne, sibuyas at kung anu-ano pang bagay kung hindi ng sigarilyo at alak.

Iyan ang Pilipinas, mga kasama.

Incoming search terms: