Home » Pananaw ni Manny V » TALINGHAGA NG PUNO NG BUHAY

TALINGHAGA NG PUNO NG BUHAY

Paborito ko ang sabaw ng buko.

Paborito rin ito ng nakararaming Pilipino, at kahit si Pangulong Aquino ay nagpahayag ng pagkagiliw sa sabaw ng buko.

Ang buko ay bunga ng niyog, na tinatawag ding punongkahoy ng milagro o punongkahoy ng buhay dahil sa maraming produkong nakukuha rito, gaya ng langis, pagkain, gamot, kahoy at ang mga pinakabago, asukal at inuming pangkalusugan.

Ang niyog ay isa sa mga pangunahing produktong iniluluwas ng Pilipinas. Ayon sa Philippine Coconut Authority, ang pagluluwas sa ibang bansa ng langis ng niyog at 38 iba pang produktong galing sa niyog ay kumita ng $1.96 bilyon noong 2011, mas mataas ng 29.28 porsyento kaysa sa $1.63 bilyon na kinita ng Pilipinas noong 2010.

Ang pagtaas ng kinitang dolyar ay bunga ng mas mataas na presyo ng mga produktong galing sa niyog sa kabila ng pagbaba ng bilang ng iniluwas na produkto, mula sa 2.33 milyong tonelada noong 2010 hanggang sa 1.50 milyong tonelada noong 2011.

Sa taong ito, inaasahan ng United Coconut Association of the Philippines na tataas ng 12.3 porsyento ang dami ng iluluwas na produktong galing sa niyog dahil maganda ang pananaw sa kalagayan ng panahon, at dahil sa lumalaking interes sa asukal na mula sa niyog at sa sabaw ng buko.

Marami nga ang pakinabang sa niyog, at maganda ang kinabukasan nito sa pamilihang pandaigdig.

Taliwas naman dito ang kalagayan ng mga nagtatanim ng niyog. Ang nakararaming mahirap sa Pilipinas ay nasa sektor ng pagsasaka, at ang pinakamahihirap sa sektor na ito ay ang mga magsasaka sa mga niyugan.

Ibig ko ring bigyang-diin ang namamalagi pa ring paniniwala sa mga bansa sa kanluran, na pangunahing bumibili ng ating mga produkto, na masama sa kalusugan ang langis ng niyog.

Ang paksang ito ang aking tatalakayin sa susunod na linggo sa layunin na makatulong hindi lamang sa lalo pang pag-unlad ng sektor ng niyugan kundi ng mga magsasakang umaasa sa punongkahoy ng buhay.

Sundan sa susunod na issue.

Incoming search terms: